Sa pinakabagong atake ng Makati, pinuna nito ang paninisi umano ng Taguig sa pagsasara ng day care centers sa EMBO barangays nang walang paunang abiso. Ayon sa Makati, kasalanan ng Taguig na hindi ito nakapaghanda sa pagbรบkas ng bagong day care centers dahil noong Disyembre 31, 2023 pa itinakda ang pagsasara at inurong pa nga ito sa Enero 31, 2024.
Kasinungalingan na nagbigay ng paunang abiso ang Makati. Mapapansin agad sa pahayag ni Atty. Claro F. Certeza, ang City Administrator ng Makati, na hindi niya binanggit kung kailan at paano ipinaabot sa Taguig ang abisong isasara na nila ang day care centers. Hindi niya mabanggit sapagkat WALANG abisong ibinigay ang Makati.
Ang totoo, noong Nobyembre 2023 pa lamang, ang City Social Welfare Development Office (CSWDO) ng Taguig ay humihingi na ng pulong sa kanilang mga katambal sa opisyal ng Makati para pag-usapan ang transition na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ngunit laging iniiwasan ng CSWDO ng Makati ang hiling na pulong, at idinadahilan na kinakailangan munang maglabas ng writ of execution ang mga korte. Nagpadala pa ng sulat ang CSWDO ng Taguig sa DSWD-NCR upang humingi ng tulong para magkaroon ng pulong. Ngunit dahil ayaw makipag-ugnayan ng Makati, hindi naganap ang nasabing pulong. Ang resulta: biglang isinara ang mga day care centers (Tingnan ang mga kalakip na sulat ng CSWDO at DSWD-NCR).
Ang Makati, na ayon sa pinรกl na desisyon ng Korte Suprema ay halos tatlong (3) dekadang ilegal na umukupa sa mga barangay ng EMBO, ay hindi matanggap ang mapait na pagkatalo sa kaso. Kaya sa halip na makipagtulungan sa Taguig para sa isang maayos na transition, sinasabotahe nito ang transition upang makaganti sa Taguig. Hindi nila alintana na ang tunay nilang pineperwisyo ay ang kanilang mga โanakโ sa EMBO na noon ay iniyakan pa ng kanilang Alkalde dahil mawawalay na sa kanya.
Ang ginagawa ng Makati na nagtatahi ng mga kasinungalingan ay nagpapaalala sa atin sa kuwento sa Biblia tungkol sa dalawang ina na nag-aangkin sa iisang sanggol. Upang malutas ang agawan, nagdesisyon si Haring Solomon na hatiin ang katawan ng sanggol at ibigay sa bawat babae ang kanyang kalahati. Ang isa sa babae ay agad sumang-ayon sa hatol, at nagsabing kung hindi lang din sa kanya mapupunta ang sanggol ay mas mabuti pang wala sa kanilang dalawa ang makakakuha nito. Ang isa pang babae ay dumulog kay Haring Solomon, at nakiusap na ibigay ang sanggol sa ibang babae ngunit huwag lamang ipapatay. Itinuring ni Solomon na ang pangalawang babae ang tunay na ina, sapagkat tanging ang tunay na ina ang handang ibigay ang sanggol para iligtas ang buhay nito.
Ang ating mga kilos, samakatuwid, ang naglalantad ng katotohanan o kasinungalingan ng ating mga pahayag.
Ang kahiligan ng Makati na magpakalat ng fake news ay tugmang-tugma sa kanilang pag-agaw sa EMBO mula sa Taguig. Ang pinakabagong kasinungalingan ng Makati ay hindi ang unang beses at tiyak na hindi rin ito ang huli.
Gayunpaman, ang masamang gawain ng Makati ay tila pangsusungรญt na lamang ng isang batang paslit na hindi napagbibigyan ang gusto nito. Hindi nakatutuwa ang ganitong masamang asal subalit hindi rin naman nagiging hadlang sa pagpapatupad ng Taguig sa mga plano nito sa ikagagaling ng mga residente ng EMBO. Ang mga pangangailangan ng mga residente sa EMBO sa kalusugan, edukasyon, at iba pang serbisyong pampubliko ay puspusang tinutugunan nang may pagmamalasakit. Ang mga residente ng EMBO ay nagagalak na tinatanggap at nararanasan nila ang positibong pagbabago. Ang di-nakakubling plano ng Makati na sabotahin ang pamamahala ng Taguig sa mga barangay ng EMBO ay tiyak na mabibigo.