Emergency kit (kumot, higaan at iba pa), isang cavan ng bigas at P5,000 inisyal na cash na tulong mula sa personal na bulsa ni Gob. Daniel Fernando at pondo ng pamahalaang panlalawigan ang tinanggap ng mga nasunugan sa Villarica-Tabing-Ilog sa Poblacion, Sta. Maria. Pinangasiwaan ni PSWDO Chief Rowena Joson-Tiongson ang pamimigay kasama sina Board Member Alex Castro, Norzagaray Mayor Fred Germar at Norzagaray Councilor Jun Saplala. Larawan ni Anton Luis Reyes Catindig

STA. MARIA, Bulacan–Tatanggap ng tig P15,000 cash, isang cavan na bigas, emergency kit at iba pang ayuda mula sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan at personal na handog ni Gob. Daniel Fernando ang 68 pamilya na nasunugan ng bahay at ari-arian sa Villarica-Tabing Ilog sa Poblacion ng bayang ito bilang tulong sa masaklap nilang inabot ngayong pagpasok ng taon.

Nauna nang tinanggap ng nasabing bilang ng pamilya ang P5,000 personal cash support ni Gob. Fernando, tig isang cavan ng bigas at emergency kit mula sa Capitolyo ngayong araw ng bisitahin sila ng opisyal kasama si Board Member Alex Castro at si Rowena Joson-Tiongson, hepe ng Bulacan Provincial Social Welfare and Development Officer ng Bulacan.

Ipo-proseso na umano sa Capitolyo ang papel para sa paglalabas ng tig P10,000 para sa mga nasunugan.

Kahit mga puno ay naiwang sunog ng maglagablab sa apoy ang halos 50 kabahayan sa Villarica-Tabing-Ilog sa Poblacion, Sta. Maria noong Miyerkules ng hapon. Hindi pa matiyak kung pinaglaruang posporo ng isang bata o faulty electrical wiring ang dahilan ng sunog. Larawan ni Anton Luis Reyes Catindig

Nasa 300 mga individual mula sa 68 pamilya sa 50 kabahayan sa nasabing lugar ang nawalan ng bahay matapos maglagablab ng kanilang lugar bandang 3:00 kahapon ng hapon.

Ayon sa barangay officials ng Poblacion, hindi pa matiyak kung dahil sa faulty electrical wiring o paglalaro ng bata sa posporo at pagsisindi nito sa may kurtina ng kanilang bahay ang pinagmulan ng pagkatupok sa apoy ng lahat ng nasabing kabahayan.

Umabot umano sa halos 3 oras ang itinagal ng sunog at ang malakas na hanging amihan umano ang lalo pang nakapagpalagablab dito kaya kahit mga puno at alagang hayop ay nasunog. Ganunpaman ay mapalad na walang ni isa mang nasugatan o namatay.

Nagbigay din ng maliit na grocery bag si Mayor Alfredo Germar ng Norzagaray.

Ayon kay Manuel Aparyado, 36, isang fish vendor at isa sa mga nasunugan, sa halagang P15,000 na tulong ng pamahalaang panlalawigan at ni Gob. Fernando ay inaasahan nilang makakapagsimula sila muling makapagpatayo ng bahay. Subalit aniya, kulang ang halagang iyon kaya’t umaasa silang tutulungan din sila ng pamahalaang bayan ng Sta. Maria at kung sino pa man ang may ginintuang puso upang tumulong.