SAN MIGUEL, Bulacan–Dalawang bata kabilang ang kanilang 29-anyos na ina ang namatay habang 4 naman ang malubhang nasaktan matapos magkabanggaan ang sinasasakyan nilang tricycle at isang XLT van Huwebes ng hapon sa national highway sa Barangay Buliran sa bayang ito.
Ayon kay Bulacan police director Col. Charlie Cabradilla, mga edad na 5 at 7 ang magkapatid na babae at lalaking namatay. Kinilala naman ang kanilang ina na si Monica Ramos, 29.
Dead on arrival ang magkapatid sa San Miguel District Hospital habang si Ramos ay inilipat sa PJG Hospital sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija kung saan namatay din ito makaraan ang ilang oras.
Kasama ang 4 na kaanak kabilang ang 1 taong gulang na bata, lulan sila ng tricycle ng umalis ang mga ito sa kanilang bahay sa Barangay Malubay patungong Rural Health Unit sa Poblacion upang magpabakuna.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng kaukulang medical attention ang 4 pang biktima sa PJG Hospital kabilang ang 13 anyos na babaeng driver ng tricycle na kapatid ng dalawang nasawi.
Binabagtas ng mga biktima ang national highway sa Barangay Buliran ng bandang 1:00 ng hapon ng biglang may nag overtake sa bandang kanan ng kanilang sasakyan kung kaya’t naalangan ang driver nitong 13 anyos na batang babae at biglang napalipat sa kabilang linya ng kalsada habang paparating naman ang isang XLT van.
Ang 13 anyos na babaeng driver ay magpapabakuna rin.
Agad namang naaresto ng pulisya ang driver ng XLT na si Angelo Paras, 61, mula sa San Leonardo, Nueva Ecija.
Ayon kay Police Staff Sgt. Jose Ryan Vendil na siyang may hawak ng kaso, kinasuhan na nila ng multiple homicide and multiple serious physical injuries through reckless imprudence and damage to properties ang driver ng XLT van.
Ganunpaman, ayon kay San Miguel Police Chief Col. Jason San Pedro, ang aksidente ay dapat umanong magsilbing aral sa marami na hindi dapat nilalabag ang batas na bawal magmaneho sa kalsada ang isang menor de edad lalo na sa mga highways.