GUIGUINTO, Bulacan–Sa kabila ng pangalawang taong pandemya ng COVID-19, higit na lalong lumago at yumabong ang industriya ng paghahalaman sa bayang ito kaya naman patuloy na isinagawa ang ngayong taong ika-24 na Halamanan Festival.
Pinangunahan ni Mayor Ambrosio C. Cruz Jr. ang pagbubukas ng 24th Halamanan Festival ngayong araw sa pamamagitan ng iba’t ibang kompetisyon sa pagtatanim at pag-aayos ng halaman o mga kategorya gaya ng cactus and succulent, ornamental plant, topiary and figure plant, bonsai, on the spot dish garden and landscaping design.
Halos nasa kulang 100 mula sa 250 na individual at pamilya o grupo ng mga maghahalaman sa bayang ito ang nagsilahok sa nasabing anim na kategorya.
Ayon kay Mayor Cruz na nagpasimula ng aktibidad na ito noong 1999 simula ng maupo siya bilang alkalde noong Hulyo 1998, ngayon ay umabot na sa P1-Bilyon ang halaga ng negosyong ito dahil sa mas lumaki na at lumawak ang mga uri ng halamang inaalagaan, pinapalaki at ibinebenta at mas marami na ang mga taong lalong nahilig sa pag-ga-garden at landscape.
Umabot na nga sa Occidental Mindoro ang propagation site o nursery ng mg halamang ibinebenta dito.
Walang sariling pagkakilanlan na produkto ang bayan ng Guiguinto na nabubungarang maraming itinitinfa at nakahilerang mga ornamental and flowery plants pagpasok at paglabas ng North Luzon Expressway toll gate sa Barangay Tabang kung kaya’t nang manalong alkalde si Mayor Cruz noong 1998 ay sinimulan agad niya itong angkining Bayan ng mga Halaman at isagawa ang Halamanan Festival.
Nito ngang 2020 ng magsimula ang COVID-19 pandemic at naging sunod-sunod ang mga lockdown ay isa ang paghahalaman sa napagtuunan ng maraming tao ng kanilang pansin at atensiyon bilang paglilibang at kalaunan ay naging pagkakakitaan na rin kaya’t lumakas pa ang industriya ng paghahalaman sa bayang ito, ayon kay Ronaldo Dela Cruz, municipal agriculture officer ng bayang ito.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin umanong mabili ang mga halaman at dinarayo ito ng mga mamimili mula sa iba’t ibang lugar partikular sa Luzon, maging mula norte o sa south.
Ayon kay Dela Cruz, maraming uri ng halaman na sadyang sa bahagyang mainit na lugar lamang tulad ng sa Bulacan at sa mga lugar na mataas na lupa sa Guiguinto na hindi binabaha nabubuhay kung kaya’t dinarayo ang Bayan ng Guiguinto.
Ayon kay Mayor Cruz, naipakilala na nila ang Guiguinto bilang Garden City of Bulacan and Central Luzon at nais naman nila ngayon itong higit pang palakasin bilang Garden Capital ng buong bansa.
Sa dinedevelop nila umano ngayon na garden and plant laboratory sa tulong ng kanilang pondo mula sa munisipyo at mula sa Department of Science and Technology ay nagsasagawa sila ng mga tissue culture upang palawakin pa ang mga ornamental plant species at kalaunan ay makapag-export na rin ng sariling Guiguinto and Philippine-grafted and breed ornamental plants.
Ayon kay Christian Javier, pangulo ng Guiguinto Garden Cooperative, patuloy na yumayabong ang industriya ng paghahalaman sa bayang ito dahil sa tulong ng local na pamahalaan at higit sa lahat kay Mayor Cruz na pumili sa kanilang hanapbuhay bilang mukha ng Bayan ng Guiguinto.
“Dahil sa taun-taong Halamanan Festival, nakilala ang Bayan ng Guiguinto at nakilala rin ang aming hanapbuhay. Mas parami ng parami ang nakakatuklas sa mga halaman namin dito sa Guiguinto at kami ay dinadayo. Nagbibigay kami ng hanapbuhay sa aming mga tauhan at marami pa ring ibang kasamang negosyo ang nabubuhay at tulad din naming lumalago dahil sa paghahalaman at landscape design,” ani Javier.