Gaspar Maneja Jr., 45, suspek sa pagpatay sa biktima

CAMP GEN. ALEJO SANTOS, Bulacan–Considered case solved na ang rape-slay incident ng 15-anyos na dalagitang biker mula sa Lungsod ng San Jose del Monte matapos maaresto ng pulisya ang 45 year old na suspect sa krimen Huwebes ng umaga sa Camarines Sur.

Ayon kay Bulacan Provincial Police Officer in Charge Director   Col. Jacquelyn Puapu, naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Police Regional Office (PRO5) bilang lead unit kasama din ang Bulacan police si Gaspar Maneja Jr., 45, sa Barangay Veneracion, (Taguilid) Pamplona, Camarines Sur bandang 8:00 ng umaga. 

Nauna rito ay considered case closed na ang nasabing rape-slay sa 15 anyos na teenage girl biker na biktima na mula sa Barangay Graceville sa Lungsod ng San Jose del Monte matapos na makilala na si Maneja.

Ayon kay Bustos police chief Col. Leopoldo Estorque Jr. inaresto si Gaspar, residente ng Camella Homes Subd., Barangay Sto. Cristo, Lungsod San Jose del Monte sa bisa ng 3 standing warrants of arrests para sa 2 counts of violations to RA 7610, Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Anti Child Abuse Law) na may kaukulang P180,000 at P200,000 halaga ng bail kabilang ang kasong rape with no bail recommended na nauna ng inilabas ni City of San Jose del Monte Judge Ma. Cristina Geronimo Juanson. 

Ang mga kasong ito ay nauna nang isinampa ng iba pang biktima ni Maneja na nagtatago na sa batas sa pamamagitan ng pag-gamit ng ibang pangalan dahilan kaya nakapanloko muli at nabiktima naman ngayon ang dalagitang biker. 

Kilala ng biktima bilang “Jose Francisco Santos” ganundin ng iba pa nilang kaibigan itong si Maneja na alias Santos at ito ang itinuro ng mga testigo na huling nakitang kasama ng biktima sa Neopolitan Business Park sa Lagro, Quezon City noong Agosto 10. Sa paalam ng biktima sa kanyang pamilya ng umalis ito ng kanilang bahay noong umaga ng Agosto 10, sinabi nitong makikipagkita ito kay Santos. Simula noon ay hindi na ito nakauwi.

Ang katawan ng biktima ay natagpuan sa ilang at madamog lugar sa Barangay Bonga Menor sa Plaridel Bypass bandang alas 9:00 ng umaga noong Aug. 12, dalawang araw matapos na ito ay mawala at hindi na nga umuwi sa kanila sa Barangay Graceville. May mga marka ng bugbog o palo sa ulo nito at nakadamit ito ng puting t-shirt at kulay itim na cycling short.

Nagsampa rin si Estorque ng  hiwalay at ibang mga kaso ng rape with homicide at pag-gamit ng fictitious name and concealing true name laban kay Maneja sa Bulacan Prosecutors Office sa City of Malolos kaugnay pa rin sa nasabing krimen.

Ayon kay Estorque, base sa autopsy report, ang biktima ay ginahasa bago ito patayin. Ito ay namatay dahil sa “subdural hemorrhage due to blunt traumatic injuries to the head” o dahil sa matindi o mabigat na bagay na ipinalo sa ulo nito.

Ayon pa kay Estorque, ang biktima na isang kilalang biker o bike enthusiast ay madalas na nagpupunta kasama ang iba pang kapwa bikers doon sa Neopolitan Business Park. 

Ayon kay Estorque, hinihinala nilang involve sa illegal na gawain si Maneja sapagkat ito ay walang trabaho at isa lamang tambay subalit nakaya nitong saluhin at hulugan ang Toyota Wigo registered as EAE-2913 ng kapatid nito. 

Pinasalamatan ni Estorque si Bustos Mayor Francis “Skul” Juan  Bustos town sa pagtulong at pagsuporta sa kanila para sa dagdag na mga gastusin pag biyahe araw-araw sa loob ng halos isang linggo para imbestigahan at resolbahin ang kaso. 

Sa loob ng anim na araw, ayon kay Estorque ay tinutukan niya at ng kanyang mga imbestigador na lutasin ang krimen at tunguhin mula Bustos ang Lungsod ng San Jose del Monte at Lagro, Quezon City upang matukoy si Maneja.