Si teacher Arlene Libao at ang kanyang Grade 11 senior high school students sa Taliptip National High School sa Bayan ng Bulakan sa unang araw ng limited face to face classes ngayong araw. Larawan kuha ni Anton Luis Reyes Catindig

BULAKAN, Bulacan-Mahigit 5,000 estudyante mula sa 44 public schools sa 19 na bayan sa Bulacan ang nakabalik na sa kani-kanilang mga classrooms sa unang araw ng limited face to face classes ngayong araw matapos ang dalawang taong distant learning dahil sa pandemya dulot ng COVID-19. 


Ang pagpasok ng mga mag-aaral na halos lahat ay mga senior high school students ay sa kabila ng kumalat na balitang hindi daw tuloy ang itinakda ng Department of Education (DepEd) na simula ng in person classes simula Peb. 21. 


Sa isang sagot na liham kasi ni Gob. Daniel Fernando Kay Zenia Mostoles, Schools Division Superintendent ng Bulacan nitong Sabado ay nilinaw ng gobernador ang mahigpit niyang tagubilin na hindi niya papayagang makapasok ang sino mang estudyanteng hindi pa fully vaccinated upang masigurado ang kanilang kaligtasan. 


Ipinaliwanag ni Mostoles na dahil dito ay mauurong lamang ang pagbabalik eskuwela ng mga estudyanteng nakatakda ng bumalik sa paaralan at Ito ay magaganap kapag sila ay fully vaccinated na. 


Ang face to face classes ay pinapayagan na sa mga lugar na nasa Alert Level 2. Dahil ang Bulacan ay mag-iisang buwan ng nakabalik sa ease restriction na Ito ay kabilang ito sa pinapayagan ng magsagawa ng in person classes. Kaya naglabas ang DepEd ng rules and regulations na dapat ipatupad na naayon sa itinatakda ng DOH-IATF. 


Nasa mahigit 250 ang eskuwelahang inaprubahan na ng DepEd na qualified ng magbukas dahil nakapaghanda na ang mga ito kabilang na ang safety standard health protocols. 


Sa bayang ito, tanging ang Taliptip National High School lamang ang nakapagbalik-eskuwela. Karamihan kasi sa iba pang eskuwelahan ay mga elementarya na, kung saan ay halos Ilan pa lamang ang nabakunahang mag-aaral. Wala pa umanong mataas na bilang ng mga nabakunahan sa mga elementarya habang ang pagbabakuna sa 5-11 years old ay nagsimula noong Peb. 14.


Ani Mostoles, sa 44 schools na nagbukas ay isa lamang ang elementary at iyon ay sa Bayan ng Calumpit. 


“Halos zero pa talaga ang nabakanuhan sa elementary,” pahayag nito sa NEWS CORE. 


Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, Bulacan COVID-19 Task Force vice chair, ang bulto ng mga bakuna para sa 5-11 years old ay paparating pa lamang ngayong linggo. 


Malugod na tinanggap muli ng mga guro sa Taliptip National High School sa pangunguna ng principal na si Theresa Garcia ang nasa 40 senior high school students na pumasok kanina. Magkahalo umanong emosyon ang nararamdaman niya sa muling pagbubukas ng klase kahit Ito ay limited lamang. 


Ayon sa principal, very significant at momentous ang nasabing ang araw na Ito dahil makaraan ang delubyong hatid ng pandemya sa lahat ng tao sa loob ng 2 taon partikular lalo na sa nga kabataang mag-aaral kung saan tumigil ang lahat ng mga dating nakasanayan ay heto na nga at hudyat na ng pagbabalik ng normal na klase ng mga bata sa ilalim ng Ligtas Balik Eskiwela program ng kagawaran. 


Ang mga klase ay mananatili namang limited ayon kay Mostoles dahil Ito ay iilan pa lamang, mula 16-20 kada classroom at ang ibang hindi pa fully vaccinated ay hindi maaaring pumasok. Gayundin, limited lamang dahil tuwing umaga lamang ang klase sa isang linggo at sa susunod na linggo ay pahinga at balik pure online at module at sa kasunod muli ang face to face. 


Ayon kay Francisco Macale, Education Program Supervisor ng Mathematics ng DepEd Bulacan, inaasahang sa susunod na buwan ay junior high school naman ang makakabalik sa eskuwelahan.  

Ayon kay Arvin Sto. Domingo, English senior high school teacher sa nasabi ring paaralan, overwhelmed siya sa pagbabalik klase at ito ay matagal ng hinintay ng lahat. Ganunpaman ay ibayong pagsunod sa mga protocols ng DepEd ang kanilang sinunod para sa maayos na muling operasyon ng kanilang eskuwelahan at kaligtasan ng lahat lalo na ng kanilang mahal na mga mag-aaral.


Ayon kay Mostoles, may consent form ang mga magulang na pinapayagan nilang pumasok ng face to face ang kanilang anak. 


Dagdag ni Sto. Domingo, ihahatid at susunduin ng mga magulang ang kanilang mga anak at may installed na alcohol and temperature scanner sa entrada ng eskuwelahan. 


Maaari umanong magbaon ng sariling merienda o kaya ay bumili sa canteen ang mga estudyante. Ang mga estudyante rin ay kailangang madalas na maghugas ng kamay habang nasa paaralan.


Ayon kay Krizandra Camille Torres, 27,  Grade 12 Senior High School student na isa ring part time sa pagtatrabaho, masaya siyang sila’y balik eskuwelahan na dahil mas maiintindihan nila ang mga aralin ng kaharap ang guro kaysa sa self-study sa online at sa module. Napakaganda umanong pagkakataon na balik-eskuwela na ngayong last semester dahil sila ay ga-graduate na. 


Hindi naman umano siya nag-aalala sa kanyang kaligtasan dahil silang lahat sa kanilang pamilya at bahay ay fully vaccinated na.
Ngayong araw ang umpisa ng second semester ng 2021-2022 school year na nagsimula noong Setyembre.