FORT MAGSAYSAY, Nueva Ecija — Sa pagnanais ng 70th Infantry (Matapat at Matatag) Battalion na bigyan ng tulay ang mga pangangailangang pangkabuhayan para sa People’s Organization sa lugar ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan ay nagsagawa ang mga kasundaluhan ng People’s Organization Livelihood Consultation Meeting na ginanap sa Sitio Tubigan, Brgy Kalawakan, DRT, Bulacan noong ika-30 ng Enero taong kasalukuyan.
Mahigit tatlumpo ang dumalo na mga miyembro ng Calumpit Upland Organic Farmers Association, Kambubuyugan Upland Organic Farmers Organization, Dumagat Tree Growers Association Incorporation at Dumagat Cabiao Upland Organic Farmers Association.
Katuwang ang Municipal Agriculture Officer na si Ms. Nora Bolinas na siyang nag bukas ng pinto ng pagkakataon sa mga People’s Organization ng DRT, Bulacan na maging bahagi sa pagtupad ng kanilang pangangailangan para sa panimulang kabuhayan ng mga asosasyon.
Nagpasalamat naman ang miyembro ng Kambubuyugan Upland Organic Farmers Association na nabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga hinaing na maibahagi sa ganitong aktibidad.
Hangarin ng 70th Infantry Battalion na mabigyan ang mga Peoples Organization ng kanilang pangkabuhayan at sa pamamagitan ng tulong tulong na pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay matutugunan ang kanilang pangangailangan para sa kanilang kabuhayan.
Samantala, pinuri naman ni Major General Andrew D Costelo PA, Commander ng 7th Infantry Division, Philippine Army ang pagkakaisa at pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng DRT at ng 70IB na pakinggan ang mga hinaing ng mga nabuong People’s Organizations sa lugar upang daglit na matugunan ang mga ito sa madaling panahon.
“Ang pagkakaroon ng isang Consultative Meeting ay mahalaga dahil dito natin malalaman kung ano nga ba ang tunay na saloobin o hinaing ng mga miyembro ng People’s Organization na pwede nating itulay sa mga tamang ahensya ng gobyerno. Lubos ang aming pasasalamat sa DRT Municipal Agriculture Office sa kanilang suporta at kooperasyon sa aktibidad na ito,” ayon kay MGen. Costelo.