SIYUDAD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines—Nasa 70,000 doses ng Moderna, Pfizer at SinoVac vaccines ang tatanggapin ng Bulacan ngayong darating na linggo sa ilalim ng pinaigting na vaccination roll out ng national government upang matuldukan na ang COVID-19 pandermic.
Ito ang pahayag ni Gob. Daniel Fernando sa panayam ng NEWS CORE kaya naman agad niyang ipinag-utos sa mga alklade sa Bulacan na palakasin at paigtingin ang mga vaccination center capabilities ng mga ito sa kani-kanilang bayan at siyudad upang makasunod sa mabilis na pagbabakuna na isinusulong ng national government.
Ayon kay Fernando, chairman ng Bulacan Inter Agency Task Force (IATF) on COVID 19, priority ng national government ang Bulacan bilang isa ito sa National Capital Region (NCR) Bubble Plus provinces kasama ang Cavite, Laguna at Rizal na nagtala ng muling pagtaas ng mga kaso nitong nagdaang pagputok ng second wave nitong Marso.
Ang 70,000 doses ng nasabing mga vaccines ay magsisilbing second dose ng mga A2 o senior citizens at ng A3 o mga co-morbidity cases at first dose naman ng mga nasa A4 o front liners sa ibang essential works.
Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, Bulacan IATF vice chair, ang nasabing parating na mga bakuna ay tiyak na pupunuin ang anim na freezers ng lalawigan na nasa Bulacan Vaccination Center sa Hiyas Convention Center sa siyudad na ito.
Paliwanag ni Celis, ang padating sa isang linggo na 70,000 doses of vaccines ay magkukumpleto sa halos 300,000 total doses na naihatid na ng national government sa Bulacan at nainiksiyon na sa mga Bulakenyo matapos unang makapagbigay na ng kabuuang 216,078 doses.
Ayon sa gobernador, inuubos na umano ngayon ang mga huling bahagi sa nakaraang 70,000 doses na ibinaba sa Bulacan para para sa second doses ng A1 category o mga medical front liners and health workers at first doses ng A2 senior citizens at A3 comorbidities.Â
Ayon naman sa doctora, dumagsa ngayon ang mga gusto ng magpa-bakuna kaya naman lumobo na ang mga nag-rehistro sa online upang mabakunahan.
Ayon kay Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr., president ng Bulacan Mayor’s League, ang bawat munisipyo ay naghahanda na at pinalalakas na ang kani-kanilang mga pasilidad sa vaccination centers para sa bulto ng pagdating nga mga bakuna ngayong Hunyo hanggang Setyembre at sa Disyembre.
Nauna ng ipinahayag ni Gob. Fernando na ang Bulacan ay nakapagtala na ng 54% decrease o pagbaba sa mga naitatalang COVID-19 cases.
Sa ngayon ay nagtala ang lalawigan ng 34,534 confirmed cases with 93% recovery rate or 32,066 as of June 1. Ang death cases naman ay umakyat sa 788 subalit nanatiling mababang porsiyento o 2% rate lamang, ayon sa datos ng Bulacan IATF na iniulat ni Celis.
Ang active cases sa lalawigan ay bumaba na rin sa tala nitong more than 1,600 cases kumpara sa nakakaraang buwan at linggo nitong second wave nitong Marso na mahigit 2,500 cases.
Ang mga naka-admit sa COViD-19 hospital sa lalawigan–Bulacan Infection Control Center (BICC) at Bulacan Medical Center (BMC) ay bumaba na rin sa 122 kumpara sa nakakaraang linggo at buwan nitong second wave nitong Marso na halos pumalo sa 300 pasyente.