
LUNGSOD NG MALOLOS—Umakyat sa 14 ang bilang ng mga namamatay sa buong lalawigan ng Bulacan dahil sa sakit na leptospirosis, habang ang mga kaso ay pumalo na rin sa 146, ayon sa pinakahuling tala ng Bulacan Provincial Health Office (PHO).
Sa Aug. 21 report ni Dr. Edwin Tecson, hepe ng tanggapan ng PHO, siyam na bagong kaso ng mga namatay dahil sa leptospirosis ang mga naitala mula sa 5 lamang mula Enero hanggang Agosto 10, base sa naunang ulat.
Ang siyam na mga bagong kaso ay naitala mula Agosto 11-21. Sa 3 death cases, ang Lungsod ng Meycauayan ang may pinakamarami, sumunod ang Lungsod ng San Jose del Monte at Bayan ng Obando na may tig-2 death cases at tig-isa naman ang mga Bayan ng Balagtas, Bulakan, Calumpit, Guiguinto, Hagonoy, Marilao at Pandi.
Ang kabuuang 146 na mga naitalang insidente o kaso leptospirosis sa iba’t iba pang bayan at siyudad sa lalawigan ay 68% na mas mataas kumpara sa 87 cases lamang sa parehong panahon noong 2023.
Sa 146 na mga kasong natiala, ang Lungsod Meycauayan ang may pinakamataas sa tala na 38, sumunod ang katabing Bayan ng Marilao na may 34 cases, ang Bayan ng Obando na may 9 cases, ang Bocaue na may 8 cases, ang Lungsod ng Malolos at Baliwag na may tig 7 mga kaso at ang Lungsod ng San Jose del Monte na may 6 na kaso.
Ayon kay Tecson, mula sa mga edad na 7-79 ang mga unang naitalang naapektuhan, mas bumaba ito at mas tumaas sa mga bagong tala sa edad na 5-81 gulang. Gayunpaman, ani ng doctor, nasa mga edad na 15-19 ang mga pawang nasawi.
Ang leptospirosis ay isang potentially fatal bacterial infection na nakapagdudulot ng labis na mga komplikasyon sa katawan o kalusugan ng tao. Ang sakit na ito ay karaniwang nakukuha o idinudulot ng ihi ng daga na kumalat sa mga imbak na tubig partikular ang mga baha at naipapasa sa tao sa pamamagitan ng sugat o galos sa balat (open wound) o katawan nito.
Ang Bulacan PHO ay nakapagpamigay na ng 500 boxes na may katumbas na 57,000 capsules ng doxycycline na gamot bago pa o pagkatapos lumusong sa baha sa mga residente na ang mga barangay at bayan ay nalubog sa baha dahil sa pananalasa ng bagyong Carina at southwest monsoon rains noong isang buwan.
Ang Damayang Filipino Foundation Inc. ay namimigay din ng doxycycline sa mga mamamayang nabaha sa iba’t ibang bayan at barangay tuwing mamimigay sina Gob. Daniel Fernando and Bise Gob. Alex Castro.
Ayon pa rin sa Bulacan PHO, pinapayuhan nila ang mga residente na may mga open wounds at kabilang sa low risk category na uminom ng 2 capsules ng doxycycline, 24-72 oras bago sila lumusong sa baha.
Ang mga moderate risks naman o iyong may mga sugat at galos sa paa, binti at hita ay pinapayuhan ding uminom ng 2 capsules ng doxycycline 24-72 oras bago rin sila lumusong sa baha.
Iyon namang mga lumalangoy at may matagal na mga oras at araw ng exposure sa tubig baha ay pinapayuhang uminom ng 2 capusles ng doxycycline kada isang linggo hanggang sa humupa na ang baha.
Patuloy din ang isinasagawa ni PHO Education and Promotion officer Patricia Alvaro-Castro sa education and information campaign sa mga mamamayan partikular sa mga nakatira sa mga bahaing lugar na palagiang magsuot ng bota at panatilihing malinis ang kapaligiran at siguraduhing nakapag-disinfect kapag humupa na ang baha.
Ang Bayan ng Marilao at Lungsod ng Meycauayan ay dumanas ng hanggang 12 ft. na taas ng tubig baha matapos na umagos ang nag-overflow na tubig ulan at baha mula sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (Camanava) dahil sa nasira umanong navigation valve ng Navotas, ayon kay Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) chief Manuel Lukban Jr.
Ayon kay Lukban, dahil sa nasirang valve, hindi napaagos papuntang Manila Bay ang tubig ulan at baha sa Camanava areas at ito ay umagos patungo sa fourth district ng Bulacan na mga Bayan ng Obando at Marilao at Siyudad ng Meycauayan.
Sa panayam naman ng NEWS CORE kay Mayor Henry Villarica ng Meycauayan, sinabi nitong nangabungkos ang mga dike sa buong fourth district at ang mga dike sa Meycauayan ang pinakalabis na mga nasira kung kaya’t nawalan ng [pangharang sa tubig ulan at baha mula sa Camanava areas at sa mga ilog. Gayundin, aniya, mabababa ang height ng mga dike kaya ang overflow ng tubig galing sa ilog ay hindi nakayang pigilan.