
LUNGSOD NG MALOLOS – Idinaos sa Lalawigan ng Bulacan ang People Management Association of the Philippines (PMAP) 2025 Luzon Regional Summit, na tumipon sa nangungunang mga pinuno at human resource professionals sa Luzon sa taunang Singkaban Festival, ang engrandeng pagdiriwang ng kultura, kasaysayan, at pamana sa lalawigan.
Sa pinaghalong mga talakayan at pagtuklas sa kultura na nakapupukaw ng pag-iisip, pinag-isa ng PMAP Luzon Summit ang mga PMAP chapter sa Baguio, Bicol, CALABARZON, Isabela, La Union, Pampanga, Pangasinan, Tarlac, at Bulacan, na matagumpay na binigyang halaga ang papel ng lalawigan bilang sentro ng parehong pamana at progreso.
Tinanggap ng Presidente ng PMAP Bulacan na si Abgd. Lilibeth Carao ang mga nakiisa sa lalawigan na magagandang dilag, manunula, at bayani ng bayan, at ipinahayag ang kanyang talumpati sa Tagalog bilang pagpaparangal sa dakilang lalawigan.
“Habang patuloy na nagbabago ang panahon sanhi ng digital transformation at pagkakabukod-bukod ng iba’t ibang henerasyon, ang hamon sa atin ay ang mas mahigpit na ugnayan sa ating kapwa tao, na higit kailan pa man ay napakahalaga na gampanan sa mga organisasyon o kumpanya,” aniya.
Tampok sa unang araw ng summit na ginanap sa Acro Residences sa Guiguinto noong Setyembre 4 ang napapanahong usapin na umiinog sa kanilang tema na “From Potential to Power: AI and Tech as Catalysts for Filipino Talent,” kabilang ang “Unleashing Filipino Ingenuity in the Age of AI” ni PMAP National President Lydia Lily Quintans; “Building Ethical and Empathetic Workplaces” nina Ma. Ivy Zaldariagga ng Asalus Corporation/Intellicare at Rizza Cantre ng RCC Management Consultancy Services; at “Mental Health in the Tech Age: Navigating the Human Impact of AI Disruption” ni Dr. Pauline Quimson, MWell Mind Health Coach.
Gayundin, tinalakay sa summit ang “Human + AI: Shaping Ethical, Empowering Workplaces in the Philippines” nina Jiji Lara ng Alsons Power Group, Atty. Maria Anthonette Velasco-Allones ng NLEX Corporation, at Mark Enrick Hernandez ng Pacific Roadlink Logistics, Inc.; “V.I.T.A.L. Vaccination in the Active Labor Force” ni Dr. Carmenchu Marie Echieverri-Villavicencio, isang infectious disease expert; at “Building Worldclass Talent for Borderless Future”, ang panapos na mensahe ni Engelbert Camasura, CEO ng PM Consulting.
Samantala, ginugol ng mga delegado ang ikalawang araw ng summit sa pamamagitan ng Pasyal Saya sa Bulacan heritage tour sa Hiyas ng Bulacan Museum, Simbahan ng Barasoain, Casa Real Shrine. Binisita rin nila ang Bulacan Food Fair and Exposition (BUFFEX) 2025 para sa mga produktong Bulacan at pasalubong.
############
———————–The article provided is authorized for use, and represents solely the author’s personal opinions. Please contact us in the event of any potential infringement.