LUNGSOD NG MALOLOS–Bumagsak sa pinakamababang record ngayong taon na 519 ang active COVID-19 cases sa Bulacan, ayon sa pinaka huling tala ng provincial health office.
Inaasahang malalampasan nito ang all time low record na 487 active cases noong Disyembre 16, 2020.
Ang 519 ay tala noong Nobyembre 29.
Positibo si Gob. Daniel Fernando na patuloy pa ring gaganda ang laban ng Bulacan kontra COVID-19 dahil sa patuloy na pakikiisa at pagbabakuna ng mga residente at maaabot ang herd immunity ng Bulacan bago matapos ang taon.
Ayon sa gobernador, sa ngayon ay 55% na ng 2.8 milyon Bulakenyo o 70% herd immunity percentage ng kabuuang halos 3.3 milyong populasyon ng lalawigan ang nabakunahan ng first dose at 45% naman ang two doses.
Hinikayat niyang patuloy na magpabakuna ang lahat lalo na sa ginagawang three day national vaccination. May target na halos 183,000 na Bulakenyo ang mabakunahan sa loob ng Three Day National Vaccination simula noong Lunes at matatapos ngayong araw. Noong unang araw ay nakapagtala ng mahigit 46,000 ang nabakunahan.
May total na 88,936 kaso ng COVID-19 na naitala sa Bulacan simula noong isang taon, 86,970 recoveries and 1,447 deaths.