
LUNGSOD NG MALOLOS- “Let me emphasize what the real treasure of Bulacan is. Ang tunay na yaman ng Bulacan, kayong mga Bulakenyo na nagpakita ng husay at kagalingan sa inyong araw-araw na pamumuhay para maitaguyod hindi lang ang inyong buhay kundi ang buong Lalawigan ng Bulacan.”
Ito ang mensahe ng Kinatawan ng Lone District ng Las Piñas at House of Representative Deputy Speaker Camille A. Villar sa ginanap na Ika-446 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Bulacan sa harap ng gusali ng Kapitolyo sa lungsod na ito kahapon.
“Kung hindi dahil sa inyong pagsisikap at kasipagan at sa suportang ipinakita ninyo sa mga lider na walang sawang nagtataguyod sa inyong lalawigan, hindi po ganito kaganda at hindi makakarating ang Bulacan sa ningning at kaunlaran niya ngayon. Hinahangaan po ang inyong lalawigan ng buong bansa,” dagdag ni Villar.
Samantala, binati ni Unang Ginang Louise Araneta-Marcos ang mga Bulakenyo at mga opisyal ng Bulacan sa pamamagitan ng video message kung saan binanggit niya na ang Bulacan ay higit pa sa kanlungan ng sining at turismo.
“Bulacan has been a pillar of our nation’s historic democracy,” anang unang ginang.
Sa kabilang banda, sinabi ni Gobernador Daniel R. Fernando na karangalan niya na matawag na Bulakenyo, isang lahi na pinanday ng kabayanihan, pinatatag ng mga unos at pagsubok, at pinadakila ng katangi-tanging kahusayan ng kanyang mga supling.

“Sa kasalukuyan, kabalikat ang mga mamamayan, napanatili nating matatag ang Lalawigan ng Bulacan sa gitna ng pandemya, ang pinakamalaking krisis ng ating panahon. Nanatili ang ating lalawigan bilang isa sa mga most progressive provinces in our country. Sa mga bagong developments sa ating lalawigan, Bulacan is also fast-becoming a magnet for global investment,” anang gobernador.
Gayundin, kasabay ng pagdiriwang, pinasinayaan nina Villar at Fernando, kasama ang mga matataas na lokal na opisyal ng lalawigan, ang logo ng Bulacan at 450, hudyat nang paghahanda ng isa na namang makasaysayang yugto sa lalawigan; at hinawi ang tabing ng pambansang panandang pangkasaysayan ng Asociacion Filantropica De Los Damas De La Cruz Roja En Filipinas, ang samahang pinagmulan ng Philippine National Red Cross.
Noong Agosto 15, 1578, itinatag ang Lalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng official act ng Gobyerno ng Espanya sa Araw ng Kapistahan ng Nuestra Señora De La Asuncion.