SALLIE A. RAMONES 

Teacher III

Guiguinto National Vocational High School 

Hindi ko kailanman makakalimutan ang kuwento ng mga senior teachers na aking nakakasalamuha tungkol sa mga karanasan nila at ng mga seniors nila tuwing sila ay uupo sa halalan. 


Noong panahon nila, mano-mano pa ang election, nito lamang naman kasing 2010 presidential election nagsimula itong maging automated.


Noon daw na mano-mano ang paraan ng pagboto lalo na noong 1960’s, 1970’s at 1980’s, inaabot sila ng mahigit isang linggo at minsan ay dalawang linggo pa bago matapos ang pagbilang. Matagal silang nabababad sa mga lugar kung saan ginagawa ang botohan tulad ng barangay hall, eskuwelahan, bisita, atbp. 


Nang panahong iyon, isinusulat ang pangalan ng kandidatong iboboto katapat ng nakasulat na sa balota na mga positions. Kaya naman napaka madiwara at matagal. Luwa na ang mata, lawit pa ang dila ng mga guro lalo na sa bilangan. Tara-tara ang sistema.


Guguhit ng 4 na tuwid na linya sa tapat ng pangalan ng kandidato at ang ika-5 guhit ay pahilis sa ibabaw ng apat na guhit, ibig sabihin, naka lima na. Iyan ang tara, ang bilang ng boto ay kada lima. Ang pagbilang na ito ay sa malalaking manila paper o blackboard. Kaya naman dapat din ay medyo malakas ang boses ng guro na bumabasa upang marinig ng lahat lalo na ng bawat kampo ng mga kandidato at kailangan malinaw ang mata at di dapat magkamali dahil mapapagbintangan ng watcher ng kabilang kampo na nandadaya kung iba ang nakasulat sa babasahin. 


Talagang mahirap ang paraan ng pagboto noon at pagod at hirap talaga ang mga guro lalong lalo na nga kapag bilangan na. Kaya naman, kuwento ng mga senior teachers natin ay halos walang uwian ng ilang straight na araw ang mga guro noon. Hindi puwedeng iwanan ang bilangan. Hindi puwedeng hawakan ng iba ang balota at election returns at gayundin ang ballot boxes. Nakabantay naman ang police at army hanggang magdamagan, walang tulugan. Minsan ay nagrerelyebo ang mga guro. 


Pagod, hirap, hapo, subalit dangal naman at pagsisilbi sa bayan ang kapalit. Tayo ring guro ang makapangyarihan sa oras ng halalan. Tayo ang nagpapatupad ng batas tungkol sa pagboto sa bawat presinto. 


Isang bagay pa lalo ang pumukaw talaga sa aking damdamin mula sa kanilang kuwento. Sila Ma’am na nakababad sa halalan ay dinadalan ng kanilang asawa o kaya ay ng kanilang mga anak ng pagkaing pampalakas upang makatagal sa hirap, pagod at puyat. Adobong atay, sarsaparilla, balot, nilagang itlog at penoy, beef steak, talbos ng kamote, mainit na Milo, gatas, mansanas, ubas at iba pa. 


Hinahatid talaga nila Sir ang pagkaing ito kila Ma’am. Araw-araw ay may hatid silang masustansiyang pagkain. Ang mga pagkain namang iyon ay dagdag lamang dahil may laan naman para sa mga guro. Ganunpaman ay batid ng pamilya ng mga guro na ang kanilang mahal na asawa o ina ay kailangan ng dagdag na lakas dahil nga sa mabigat na tungkuling nakaatang sa kanilang balikat. 


Sa pag-upo natin sa Mayo 9, ikatlong automated election na sa ating bansa. Marami ang pagkain na nakalaan sa atin. Subalit dahil sa modernong panahon natin sa ngayon kasabay ng modernong electric o automated na botohan, ang mga pagkain ay makabago na rin. 


Nakakatuwang maranasan din natin mula sa ating pamilya ang ganoong pag-aalaga na naranasan ng ating mga senior teachers noong panahon nila. Kasabay ng ating katuwaang ito ay ang higit nating galak na tagumpay nating magampanan ang ating mga tungkulin na maging katuwang ng Commission on Elections sa paghalal ng mga mamumuno sa ating bansa. 


Ang ating sarili, laan sa bayan, hindi lang para sa kinabukasan ng ating mga kabataan kundi sa panahon din ng halalan, ang buhay iniaalay para sa sambayanan. 


Salamat po sa Diyos sa gabay at patnubay upang dunong na bigay, sa bayan ay maialay.