SALLIE A. RAMONES
Teacher III
Guiguinto National Vocational High School
Marami akong kakilala na ang piniling iboto sa pagka-pangulo sa darating na May 9 election ay iyong may direkta siyang linkage kapag ito ay nasa Malacañang na. Ang ibig sabihin, dahil may direkta siyang linkage ay may malakas na siyang kapit para ilapit ang ano mang kahilingang papabor sa kanya.
Dahil respeto at galangan tayo sa kung sino ang pinili nating magiging pangulo ng ating bansa, ikanga walang basagan ng trip, hindi ko sila binabara, tahimik lang ako at nakangiting tumatango. Parang nababanggit ko pa nga na ako rin ay maaring gayahin sila at ang pinili nila na rin ang aking iboboto dahil kung may mabigat silang pangangailangan sa pangulo ng bansa ay di hamak na mas higit ang pangangailangan ko. Ang mga linkage nila ay linkage ko din at napatunayan na naming lahat na ang linkage na ito ay talagang tinutulungan ang kanyang kababayan lalo na noong napuwesto ito sa mataas na posisyon sa gobyerno.
Pero kapag nag-iisa na ako, hindi iyon ang laman ng puso ko kundi, may sarili akong desisyon. May sarili akong napili at buo na ang aking pasya. Ang napili ko na pangulo ay wala akong direct linkage patungo sa kanya sa Malacañang pero siya ang pinili ko dahil siya ang nakikita kong pinaka may puso sa lahat at pinaka magaling at karapat-dapat sa lahat at hindi ang iniisip ko lang na may linkage ako sa palasyo.
Kayo, sana ganyan din ang maging panuntunan ninyo, ang mamili ng tunay na magsisilbi sa bayan. Hindi ang pansariling ganansiya lamang.
Patuloy tayo sa election fever, heto na nga po at tila ang lahat ay inaapoy na para sa kani-kanilang mga kandidato.
Mainit ang laban mula sa mga konsehales sa bayan bayan, bise alkalde, mayor, mga bokal, bise gobernador, gobernador, congressmen, senador, bise presidente at ang talagang pinaka kinasasabikan ng lahat na pagka-pangulo.
Marami talagang mag-uuwian sa probinsiya upang magsiboto. Exciting ang para sa local election at exciting din sa national lalo sa pagka pangulo, gob at bise, mayor at bise mayor. Sa maraming pamilya ay mini reunion ang election.
Magluluto ng masarap na putahe, ang iba ay may videoka pa. Iyon nga lamang, bawal ang alak dahil May 8 pa lang ay may liquor ban na. Hanggang araw ng mismong election ay bawal pa rin. Pero ang iba niyan ay patago at malakas ang loob na bumili pa rin at uminom sa kanilang tahanan kasama ang mga sabik makita at makasama na nag-uwiang kaanak para bumoto.
Bandang gabi, maaga-aga pa sa iba at sa iba ay late night naman, sasalipadpad na sa ere ang mga kuwitis, ang mga fireworks na hudyat na may nanalo na. Kung saan galing na lugar ang nakita nating sumalipadpad na nga paputok, sa balwarteng iyon ng kandidato, ang kanyang kandidato ang nangangahulugang nanalo.
Ang ating dalangin sa Diyos ay maganap na tagumpay, payapa at walang anumang pandaraya ang darating na halalan. Pumili tayo ng mahusay na maglilingkod. Huwag nating piliin ang mga naninira at muli, huwag ang ating sarili lang ang paglilingkuran kundi ang bayan.
Maaga tayo sa presinto at pagkatapos ay payapa at kapaki-pakinabang na manatili sa bahay, magadasal at mag-intay sa resulta ng halalalan.
“Panginoong Diyos, ikaw po ang manguna sa halalan sa aming bansa sa Mayo 9, sa aming lalawiagn at mga bayan upang ang mga tao at lider na pinili mo at nais mong mamuno na siyang tapat at mahusay at wastong manunungkulan ang iyong panalunin at ilagay. Amen”.