LUNGSOD NG MALOLOS–Sinimulan na kahapon ang pagbabakuna sa may 500,000 A3 pedia category na edad 12-17 years old sa buong Bulacan.
Nauna sa mga binakunahan ang 150 sa kanila na co-morbidity cases o may mga existing na karamdaman.
Ayon kay Dra. Hjordis Marushka Celis, Bulacan COVID-19 Task Force vice chair, sa 500,000 mga kabataang ito sa lalawigan, nasa 50,000 ang mga co-morbidity cases.
Pfizer ang ibinakuna sa kanila at sa Bulacan Vaccination Center sila sa Hiyas Convention Center Pavilion binakunahan. Ayon kay Celis, Pfizer at Moderna ang internationally approved na bakuna para sa kabataang 12-17 years old.
Sa Disyembre 31 second dose ng mga nabakunahan o makatapos ang 28 days.
Karamihan sa mga nabakunahan ay may mga respiratory concerns o sakit na hika at ang mga ito ay pasyente nila sa Bulacan Medical Center.
Inabisuhan na agad nila umano ang mga ito sa gagawing pagababakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Jojo Tobias, isang engineer contractor mula sa Bayan ng Sta. Maria, natutuwa siya dahil ang kanyang 13 year old na anak na si Justin Miguel Tobias na may respiratory concerns ay nabakunahan na at kahit paano ay mapapanatag na siya at ang kanyang asawa.
Tuloy tuloy umano ang gagawing pagbabakuna hangga’t matapos ang 500,000 target.
Ayon naman kay Bulacan COVID-19 Task Force chair, Gob. Daniel Fernando, sa maluwag na Alert Level 2 quarantine status ng Bulacan ngayon ay allowed na ang face to face classes pero hindi niya anya ito papayagang maganap hangga’t hindi pa bakunado ang nasabing 500,000 kabataan.
Nasa Alert Level 2 ang Bulacan Nobyembre 1-14. Ani ng gobernador, mas maibababa pa sa Alert Level 1 o higit pang maluwag na status kung patuloy na maganda at mababa ang COVID-19 cases sa lalawigan.
Hinikayat niya ang lahat ng Bulakenyo na patuloy na mag-ingat at sumunod sa minimum health protocols.
Sa pinaka latest na datos ng Bulacan Public Health Office, naglalaro sa 821-1000 ang daily active COVID-19 cases sa lalawigan. Naitala ang pinaka mataas na mga active cases noong 3rd-4th week ng Agosto.
Sa ngayon ay 86,268 ang total number of confirmed COVID-19 cases sa lalawigan, may 83,954 recoveries at 1,404 deaths.