PULILAN, Bulacan–Umapaw at dumagundong ang Soldiers of Christ Catholic Charismatic Church sa bayang ito noong Linggo sa pagdalo ng mahigit 6,000 mga barangay officials mula sa 569 barangays, 21 bayan at tatlong lungsod sa lalawigan sa ginanap na “Our Vote, Our Future Pre-Proclamation Alliance 2022”.
Mainit na sinalubong, pinakinggan, pinalakpakan kasabay ang malakas na hiyawahan ang ibinigay ng nasabing mga barangay officials kay Gob. Daniel Fernando nang ito ay dumating at magbigay ng mensahe.
Ang dagundong at init ng pagtanggap kay Fernando na tumatakbo para sa ikalawang termino bilang gobernador gayundin ang maalab na pagtanggap kay Bokal Alex Castro, vice gubernatorial running mate nito ay sa kabila ng pag-endorso nito kay Vice President Leni Robredo, samantalang sinasabing ang Bulacan ay Ferdinand Marcos “province”.
Si Marcos naman ang dala ni Bise Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ng PDP-Laban na gustong bumalik sa pagka-gobernador.
Kapwa National Unity Party (NUP) members naman sina Fernando at Castro.
Noong halalan ng 2016 at magkatunggali sa pagka bise presidente si Robredo at Marcos, lamang si Marcos sa Bulacan ng 190,401 mula sa boto nitong 556,490 sa 366,079 boto ni Robredo.
Hindi masagot ni Bokal Ramil Capistrano, Federation President ng Association of Barangay Captains (ABC) in Bulacan ang tanong ng NEWS CORE kung sino ang liyamado, kung Fernando-Robredo o Alvarado-Marcos subalit isa lang ang nasagot nito na umano ay sigurado, “si Gob. Daniel Fernando”.
Ang Bulacan ay may 2,007,523 registered voters sa ngayon.
Matatandaang noong 2016, dala ni noo’y Gob. Alvarado si Mar Roxas sa pagka-presidente subalit si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanalo. Nanalo naman din si Alvarado sa kanyang last term.
Noong 2010 naman ay dala ni dating Gob. Josie dela Cruz ang namayapang dating Pangulo Noynoy Aquino subalit natalo ni Alvarado si Dela Cruz habang nanalo si Pangulong Aquino.