SAN ILDEFONSO, Bulacan-Mala bida sa pelikula ang gagampanang papel sa tunay na buhay ni Mayor-elect Fernando “Gazo” Galvez Jr. ng bayang ito dahil bukod sa tinalo niya ang kanyang pinsang nakaupong mayor, isa siyang masugid na tagasuporta nito at dinanas din ng hindi iisang beses ang ipagtimpla ng kape ang mga VIP guests nito. Subalit simula Hulyo 1, sa unang araw ng pag-upo sa puwesto ng mga nanalong lider nitong katatapos lang na May election, siya na ang ipagtitimpla ng pinaka masarap na kape sa pinaka magandang opisina ng kanilang munisipyo.
Nagdagdag tingkad si Gazo sa Congratulatory Dinner na handog kamakailanlang ni Gob. Daniel Fernando at Vice Gov-elect Alex Castro sa 24 na mga alkalde ng Bulacan sa The Fort sa Taguig.
Isa si Gazo sa walong bagong nanalong mayors ng lalawigan nitong nagdaang halalan subalit siya ang itinuturing na may pinakamakulay na panalo.
Lumamang lamang siya ng 264 sa kanyang pinsang buo–Mayor Carla Galvez-Tan sa botong 33,893-33629 subalit itinuturing na malaki itong panalo dahil nakaupo ang kanyang tinalo. Sa walong bagong halal na mga mayors ngayon sa Bulacan, nag-iisa siyang tumalo sa nakaupong alkalde na hindi end term.
Kasalukuyan siyang konsehal ng bayang ito subalit nagkaiba na sila ng landas ng kanyang pinsan at maging ang dati rin niyang mahigpit na sinamahan, ang kanyang amain, dating Mayor Edgardo “Sazo” Galvez ay hindi na rin niya kasama sa ngayon. Anak ni Sazo si Tan. Si Gazo ang ikatlong anak ng namayapang si Fernando Galvez, ang panganay na kapatid ni Sazo at ng pinaslang na kuya ni Sazo na si late former Mayor Honorato “Gener” Galvez. Si Gener ang nagsimulang magtatak ng apelidong Galvez sa pagiging mayor ng San Ildefonso 30 taon na ngayon.
Taong 2013-2016, sinamahan din niya sa munisipyo at paglilingkod sa mga kababayan ang isa pa niyang pinsan, dating Mayor Gerald Galvez na anak ng namayapang mayor.
“Nagtitimpla lang ako ng kape dati noong kasa-kasama nila ako,” pahayag nito sa NEWS CORE.
Ang panalo ni Gazo ay nakikitang bunsod ng pagiging champion nito sa masa, matapang, mapagkakatiwalaan at laging mababang-loob.
Ang 7 sa walong bagong mayors ay nahalal dahil end term na sa pagiging mayor o kaya ay galing sa ibang posisyon ang kanilang mga kalaban, kung saan ay asawa, ama ng nag-end term ang kanilang tinalo o sinundan at pinalitan habang isa ang hindi kilala at bagong sabak lamang subalit tinalo ang higanteng pangalan ng mga nangungunang lider sa kanilang bayan.
Sa Norzagaray, nanalong mayor si Merlyn Germar, maybahay ng end-termer na si Mayor Alfredo Germar, sa Obando, tinalo ni Councilor Leonardo Valeda ang asawa ng end-termer na si Mayor Edwin Santos, sa Hagonoy, nanalo si Baby Manlapaz, ang asawa ni outgoing Mayor Raul Manlapaz, sa Calumpit, tinalo ng isang bagong mukha at bagong pangalan Lem Faustino ang gustong makabalik na si dating Mayor Engr. James De Jesus habang ang bagong mayor na sina Cholo Violago ng San Rafael ay isang dating barangay captain na naging bokal, sa Angat ay si Bise Alkalde Jowar Bautista ang nanalo at sa Guiguinto ay si Atty. Agatha Cruz na anak ng outgoing Mayor Ambrosio C. Cruz Jr.
Dagdag na pondo para sa mga dialysis patients, iba pang may sakit, dagdag na benipisyo para sa mga solo parents, mas higit na kalinga at suporta sa mga magsasaka ang ilan lang sa mga pangunahing ipaglilingkod ni Gazo sa kanyang mga kababayan pagpanaog ng Hulyo 1.