Kinalampag ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para maging proactive sa pakikipag-ugnayan at pagtulong sa libo-libong mangingisda na nawalan ng kabuhayan dahil sa oil spill mula sa lumubog na MT Terranova.
Inihayag ni Tolentino ang kanyang apela sa BFAR sa kanyang panayam kay Fernando Hicap, pinuno ng PAMALAKAYA, sa programa sa radyo ng senador na ‘Usapang Tol’.’
“Sana naman ay maging proactive ang BFAR sa pag-alalay sa ating mga magsasaka, at sa pag gabay sa kanila sa mga hakbang na dapat gawin,” ani Tolentino.
Ayon kay Hicap, maraming mamalakaya ang nawalan ng kabuhayan dulot ng oil spill, at ang kasunod na mga fish ban na idineklara ng iba’t ibang lokal na pamahalaan.
“Kung di sila makapangingisda, hindi rin sila makakakain. Dahil nakontamina na ng langis ang maraming lugar na aming pinangingisdaan, na sinundan pa ng fishing ban, ano na ang mangyayari sa aming kabuhayan?” hayag ni Hicap.
Nauna nang idineklara ng BFAR na handa itong magbigay ng fuel subsidies para sa mga apektadong mangingisda. Ngunit hindi ito sapat, ayon kay Hicap, dahil ang kailangan nila ay alternatibong mapagkakakitaan.
Sumang-ayon sa kanya si Tolentino, habang binigyang diin nito ang kahalagahan ng tuluy-tuloy na pag-uusap sa pagitan ng BFAR at mga grupo ng mangingisda.
Kamakailan ay naghain ang senador ng Senate Resolution No. 1048, na naglalayong imbestigahan ang sanhi, lawak, at epekto ng oil spill dulot ng lumubog na barko.
Magugunita na idineklara ng BFAR na di ligtas kainin ang mga isda mula sa mga kontaminadong bahagi ng karagatan dulot ng oil spill. Tinataya rin ng ahensya na halos 46,000 mangingisda ang apektado ng insidente sa Gitnang Luzon, Calabarzon, at Kalakhang Maynila.
Sa isang kaugnay na isyu, nagpahayag ng pagkadismaya si Tolentino sa lumalabas na mga ulat na di umano rehistrado ang MT Terranova.
“Kung hindi pa nangyari itong insidente, paano pa natin malalaman na kolorum pala itong MT Terranova?” tanong ni Tolentino, na sya ring chairperson ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones.
“Ano ang karapatan nito na maghatid ng mga kargamentong maaaring makasira sa ating karagatan kung wala naman itong tamang permits? Inaasahan natin na mauungkat ang lahat nang ito sa ating Senate investigation,” pagtatapos ng senador.