Ipinakikita ni dating CIBAC Rep. Sherwin Tugna ang pangalan ng kanyang kabiyak na kaniyang isinulat, ang yumaong si Bocaue Mayor Joni Villanueva sa padlock na isasabit niya sa Love Lock fence sa Bocaue River, tanda ng wagas niyang pag-ibig sa ina ng kanyang apat na anak. Larawan ni Mac Eleogo

BOCAUE, Bulacan–Inaasahang magiging all year round nang tourist attraxtion ang Bocaue River at tulay nito at hindi na lamang tuwing kapiyestahan lamang ng Krus sa Wawa matapos gawing Love Lock Bridge ang lugar.

Kasamang inagurahan kahapon ang elevated overview deck na Bocaue Bambang Love Lock Fence sa ibabaw ng nasabing tulay kasabay ng pagbubukas ng bagong palit at bagong gawang Bambang-Poblacion bridge.

Mahigit P9,000,000 halaga ang ginastos sa Love Lock Fence sa over looking view deck na proyekto ng namayapang si Mayor Joni Villanueva kasabay ng proyekto rin niyang replacement ng nasabing tulay.

Isinulong ng yumaong punong bayan ang proyekto noong siya ay nabubuhay pa upang matanaw at mapanood ng mga mamamayan maging ng mga turista mula sa ibabaw ng tulay ang Pagoda na lumiligid sa ilog ng Bocaue tuwing Hulyo kapistahan ng Mahal na Poong Krus sa Wawa. Ang malaking tubo kasi ng water supply sa Bayan ng Bocaue ay sa may gilid ng tulay kinailangang ikabit na nakaharang sa pagtanaw sa ilog mula sa ibabaw ng tulay.

Nagawa ang proyekto sa pagtulong ni Senador Joel Villanueva na mapondohan ito.

Sa nasabing ilog naganap ang Pagoda Tragedy noong 1992 kung saan halos 300 deboto ang nalunod at namatay ng tumaob ang overloaded na pagoda. Simula noon ay mahigit dalawang dekadang hindi na muling naglayag ang pagoda dahil sa pagluluksa.

Kasabay ng pagtigil sa paglaot ng pagoda ay tunamlay din ang pagsulong ng Bocaue kaya’t sa pangunguna ni dating Mayor Eduardo “JJV” Villanueva Jr. noong panahon niya, taong 2014 katuwang ang negosyanteng si Ruben Mercado ay muling naglayag sa ilog ng Bocaue ang nasabing pagoda.

Ayon sa senador, nakilala pa rin ang Bocaue River bilang bahagi ng Thirty Dirty Places in the World noong early part of 2000 subalit ang mga ito ay nakaraan na at ang kasalukuyang pagsasaayos ng Bocaue River at mga programang lalong muling magpapasigla sa kultura at turismo ng Bocaue at ng lalawigan ang siyang pinakamahalaga.

Nanguna ang senador kasama ang kapatiid, dating Mayor JJV at bayaw nito, asawa ng namayapang alkalde, dating CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna sa pagkakabit ng padlock na simbolo ng sarado at mahigpit na pagmamahal sa kani-kanilang mga kabiyak ng buhay.

Pamoso sa Paris, Korea at sa iba pang bansa ang nasabing Love Lock bridge para sa mga magsing-irog at mag-asawa. Pinaniniwalaang lalong titibay at hindi maghihiwalay ang isang couple kung maglalagay ng padlock doon at magwi-wish sabay tapon ng susi nito sa ilog upang hindi na muling mabuksan nino man.