Bongbong-Sara inendorso ng PDP-Laban sa harap ng 55,000 Bulacan supporters

Published

GUIGUINTO, Bulacan–Pormal ng itinaas ni dating gobernador ngayo’y Bise Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado at iba pang mga top brass members ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP)-Laban ang kamay ni presidential candidate former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos at vice presidential running mate nito Davao City Mayor Sara Duterte kasama ang UniTeam senatoriables sa harap ng 55,000 Bulakenyo supporters sa isinagawang “Bulacan Show Your Support” campaign kahapon sa bayang ito, sa Lungsod ng Meycauayan at Bayan ng Sta. Maria. 


Dumagundong ang Guiguinto Municipal Arena ng bumuhos at dumagsa ang 20,000 supporters habang 5,000 pang mga followers ng BBM-Sara ang nagpaapaw naman sa Guiguinto Municipal Athletic and Cultural Center  (GMACC).


“Kitang-kita po sa dami ng mga nagpunta ngayon dito kung ano ang pulso ng Bulacan,” ani Alvarado bago niya ipakilala ang presidential candidate. 


“Isa pong malaking karangalan na ipagkaloob sa inyo ang susunod na pangulo ng ating bansa, ang magiging kapitan ng barko na siya pong magtatawid sa atin upang marating  natin ang ating pangarap na kapayapaan at kaunlaran para sa ating bayan”.


Si Marcos, mula sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Duterte ng Lakas-Christian Muslim Democrats’ (CMD) kasama ang kanilang 12 senatorial members sa “UniTeam” ay nagsusulong ng pagkakabuklod-buklod ng mga Pilipino ano mang kulay nito. 


Ikinagulat at ikinamangha ni Cruz ang pagdagsa ng 20,000 BBM-Sara supporters at tinawag niya itong tila magic dahil dalawang araw lamang umano ang palugit ng ibinaba nila ang invitation para sa nasabing Bulacan Show Your Support campaign rally. 


Ani Cruz sa NEWS CORE, ang bagong gawa nilang Guiguinto Municipal Arena ay may 20,000 capacity at ang kanilang GMACC ay kayang maglulan ng 5,000 tao at pareho itong umapaw sa pagdating ng BBM-Sara UniTeam. Ang dalawang facilities ay nasa likuran ng munisipyo ng Guiguinto.


Ayon kay Col. Isagani Enriquez, chief of police ng Guiguinto, talagang nahirapan silang i-manage ang mahigit 25,000 taong dumagsa sa munisipyo kung kaya’t nagamit nilang parking area ang gilid ng MacArthur highway at nakuha ding isara ang ilang kalsada upang magbigay daan para sa mga sasakyan at taong humuhugos. 


Sa Lungsod ng Meycauayan, itinaas din ni Fourth District Rep. Henry Villarica na kumakandidato bilang mayor at kanyang running mate, Vice Mayor Jojie Violago at kanilang mga konsehales ang kamay ni Bongbong at ni Sara kasama ang mga senatorial candidates nil sa harap ng 10,000 supporters sa loob at Gymnasium ng Meycauayan College Annex. 


Ayon kay police chief Col. Leandro Gutierrez, ang nasabing 10,000 supporters ay mula sa iba’t ibang barangay ng Meycauayan. 
Sa Bayan ng Sta. Maria, 20,000 umano ang dumagsa sa vacant lot sa harapan ng JRB Fuel Hub sa Barangay Sta. Clara ayon kay Mayor Russel Pleyto. Kasama niyang nagtaas ng kamay nina Bongbong at Sara at senatoriables nito ang kanyang ama, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) official Salvador Pleyto Jr. na kandidato sa pagka-kongresista ng bagong sixth district ng Bulacan.
Mula Guiguinto ay tumungo sa Lungsod ng Meycauayan at nag-motorcade papuntang Sta. Maria ang UniTeam para sa nasabing Bulacan Show Your Support campaign. 


“Kami dito sa Sta. Maria ay talagang BBM-Sara,” pahayag ni Pleyto sa NEWS CORE. Ayon naman kay Police Col. Voltaire Rivera, sadyang napakaraming tao ang humugos sa lugar kaya nag-traffic ng mahigit 2 oras.


Isang babae naman mula sa mga supporters sa Guiguinto ang kinantahan ang buong UniTeam at umiiyak na ipinahayag ang kanyang pagmamahal kay Bongbong Marcos bilang lider at presidential candidate. 


“Nakikipag-away po ako sa Facebook sa mga nagsasabing magnanakaw po kayo at sa lahat ng mga binibintang sa inyo,” pahayag nito. 
Kaya naman tumayo si Bongbong mula sa kanyang upuan sa stage at niyakap ang babae at gayundin si Sara at mahigpit nitong niyakap ng matagal ang babae. 


Ayon kay Cruz, walang ibang piniling kandidato ang PDP-Laban kundi sina Bongbong at Sara dahil sila lamang ang mahusay, ang pinakamagaling para sa bansang Pilipinas. 


“Sila lamang ang magbabangon sa ekonomiya ng bansa. Six years ni Marcos at six years ni Sara na magtutuloy sa sinimulan ni Pangulong Duterte. This will be the golden years of our country. They are the winning team, 60% in the survey. Dito tayo sa mabuting pamamahala, si Bongbong ay nagsilbi bilang mahusay na gobernador at si Sara ay isa sa pinaka magaling na mayor,” ani Cruz.


Mariin ding pinabulaanan ni Cruz ang mga bintang at bulong-bulungan na bayad at hakot ang mga dumagsa sa Guiguinto Municipal Arena at GMACC. Aniya, may mga mayors na nag-provide ng bus para masakyan ng mga supporters pero walang binayaran.

Kay Bongbong Marcos at Sara Duterte ang suporta ng PDP-Laban sa Siyudad ng Meycauayan matapos na itaas ni Fourth District Rep, Henry Villarica ang kamay ng dalawang nangungunang kandidato sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ng bansa sa Bulacan Show Your Support campaign rally. Larawan ni Carmela Reyes-Estrope


“Walang bayaran dito , walang binayaran, nagpuntahan lahat dito on their own. Puro die hard ito, marami din na mga matatanda na inabutan pa ang 30 years na Marcos time”. 


Pinaalalahanan ni Cruz ang marami na dapat mag-respetuhan ang magkakabilang panig. Hindi umano porke gusto ng isa ang isang kandidato ay masama na ang kabila.


“Magrespetuhan po tayo, hindi po puwede na magaling ang kandidato natin at masama na ang iba”. 


Ayon sa 26 anyos na si Alice Sheryn Villaflor, SK Chairman ng Poblacion, Bocaue, siya ay dumayo sa Guiguinto dahil solid Marcos ang kanilang pamilya at ang kanilang pinaniniwalaan at pinakikinggan ay kanyang lola na inabutan ang 30 years ng dating Pangulo Ferdinand Marcos, ama ni Bongbong. 

“Ang pinakikinggan ko po ay ang kuwento ng lola ko at hindi po ang mga libro na sinulat ng mga aktibista. Kasama ko po ang lola ko dito at kahit daw po mabalya siya dito sa dami ng tao ay okey lang sa kanya,” pahayag niya sa NEWS CORE. 


Patuloy na isinusulong ni Bongbong ang pagkakabuklod-buklod ng mga Pilipino upang maihatid umano ang bansa sa  ibayo pa nitong pag-unlad at inamuki niya ang lahat na mahalin ang bansang Pilipinas.


Ayon naman kay Sara, kulay lamang ng Pilipinas ang kanilang pananatilihin sa kanilang panunungkulan at hindi kulay ng pagkakahiwa-hiwalay ng mga Pilipino base sa pulitika sa paparating na halalan.

Share post:

Subscribe

spot_imgspot_imgspot_imgspot_img

Popular

More like this
Related

A CELEBRATION OF EXCELLENCE

Governor Daniel R. Fernando, Vice Governor Alexis C. Castro...

Ripple Labs Secures RLUSD Approval, XRP Price Rises Over 23%

Ripple Labs achieves a milestone with NYDFS approval for...