Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman.

LUNGSOD NG MALOLOS—Siniguro ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang agarang pagpapalabas ng pondo para sa performance-based bonus (PBB) ng mga guro sa bansa, partikular sa mga nakapagsumite na ng kinakailangang mga dokumento.

“I already instructed concerned bureaus and offices to ensure that there will be no delays, in the part of the DBM, in the release of the performance-based bonus to our dear teachers,” pahayag ni Secretary Pangandaman.

Binigyang-diin ni niya na kinikilala ng kagawaran ang malaking kontribusyon ng mga guro sa bansa kaya’t sinisikap na rin nitong mailabas ang performance-based bonus (PBB), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd).

“The DBM stands with our nation’s educators and recognizes the extraordinary work they do for our country. Thus, we are one with our teachers in the pursuit of the immediate release of their PBB. Rest assured po that we will closely coordinate with the Department of Education to address this, and once we are provided with the complete requirements, we will ensure din po that the PBBs will be released as soon as possible,” dagdag pa ng kalihim.

Noong Hunyo 27, naglabas na ang DBM NCR sa DepEd ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation (NCA)na nagkakahalagang P950,942,317 upang mabayaran ang 2021 performance-based bonus ng mga eligible na school-based personnel ng DepEd NCR Office.

Para naman sa nalalabing 15 DepEd regions, (Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII CARAGA, at CAR), ang naisumiteng Form 1.0 ng school-based personnel ay ibinalik sa Personnel Division, Bureau of Human Resource and Organizational Development (BHROD) para sa revalidation o pagrepaso dahil sa iba’t-ibang isyu tulad ng nadobleng pangalan o wala ang pangalan sa Personal Services Itemization and Plantilla of Personnel (PSIPOP). Sa ngayon, naghihintay na lamang ang DBM na mai-submit ng 15 na rehiyon ang kanilang nirebisang Form 1.0.

Ayon kay DBM Undersecretary Goddess Hope Libiran, mabilis ang processing ng release ng pondo ng pamahalaan basta maayos at kumpleto ang requirements. Aniya, iyon sa NCR ay June 27 nairelease ang SARO at NCA.

Dahil sa CO VID-19 simula pa noong 2020 ay mas itinuon ng national government ang pondo sa mga cash at pagkaing ayuda lalo’t higit ang mga health and medical na mga paghahanda kasama na ang may kinalaman sa mga pagbabakuna sa buong bansa kung kaya’t hindi naibigay ang nasabing insentibo sa mga guro.

Ang PBB ay inumpisahang ipatupad ng gobyerno noong 2012 upang ma-enganyo ang mga kawani ng pamahalaan na maging mahuhusay sa kanilang mga trabaho.

Matatandaang nanatiling bukas ang eskuwelahan sa buong panahon ng pandemya at naging dagdag pang trabaho at pasanin ng mga guro ang maging eksperto rin sa technology dahil sa pag-switched sa online classes sa buong panahon ng pandemya.   

Ang PBB naman noong 2020 ay tinanggap na ng mga guro nitong nagdaang 2022.