Pinagitnaan ni Bulacan Provincial Election Supervisor Atty. Rene Cruz ang magkatunggali sa pagka-gobernador, dating magkakampi at mag-partner sa pulitika at liderato sa Lalawigan ng Bulacan, Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado sa ginanap na Unity Walk and Peace Covenant Signing sa loob ng Capitol Gymnasium. Larawan ni Carmela Reyes-Estrope

LUNGSOD NG MALOLOS–Dahil sa umiiral pa ring pandemya, maraming pagbabago sa paraan ng pangangampanya para sa paparating na May 9 elections at bawal na ang kinagisnang tradisyunal na pangangampanyang-pagpasok ng kandidato sa loob ng bahay o bakuran ng mga residente, shaking of hands at iba pa.  


Ito ang pahayag ni Bulacan Provincial Election Supervisor Atty. Rene Cruz sa ginawang Unity Walk and Peace Covenant Signing ng mga provincial candidates kanina sa Bulacan Capitol Gymnasium. 


Ayon kay Cruz, maaring maglakad sa kalsada ang mga kandidato subalit bawal na ang traditional na pangangampanya na pumasok sa loob ng bahay o bakuran. Bawal din ang kandidato na makipagkamay, bawal din ang maghagis ng candy, pamaypay, payong , etc. 


Inamuki rin at pinaliwanagan ni Cruz ang mga supporters and voters na dapat ay huwag mabahiran ng kuwestiyon o ano pa mang masamang kaganapan ang boto nila dahil ano mang uri ng ganitong pangyayari ay makakasira sa pulitikong kanilang sinusuportahan.
Pinangunahan ng ngayo’y magkalaban sa pagka-gobernador, dating magkakampi, Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang nasabing Peace Covenant Signing. 


Kasama nilang lumahok ang kani-kanilang respective vice gubernatorial running mate Board Member Alex Castro at dating governor at Third District Rep. Joselito “Jonjon” Mendoza.


Siniguro ni Bulacan Police Director Col. Rommel Ochave na patuloy na mananatiling apolitical at walang kinakampihan o papanigang kandidato ang buong pulisya ng lalawigan. 


Ayon naman kay Philippine Army 70th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Eugene Garce, ang mga supporters umano ay hindi dapat isiping personal na magkalaban ang mga kandidato kundi magkakaiba lamang ang kanilang mga plataporma ng paglilingkod.