Ang tarpaulin ng Bulacan Top 1 Richest Performing Province in terms of Nominal Locally Source Revenues for 2020 na makikita sa mga bayan sa Lalawigan. Kuha ito sa Sapang Palay area sa Lungsod ng San Jose del Monte noong Linggo ni Carmela Reyes-Estrope

LUNGSOD NG MALOLOS–Pinainit pang lalo ng issue tungkol sa “Bulacan Top 1 Richest Province” award na iginawad sa Lalawigan ng Bulacan gayundin ng mga wakwak na tarpaulin at tents, ang labanan ni Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Wilhelmino “Willy” Sy-Alvarado sa pagka-gobernador ngayong papararing na May elections.


Sa isang privilege speech ni Alvarado kamakailan lang na ipinalabas sa ilang tele-radio program ng ilang radio stations sa Metro Manila at shared video sa mga netizens, pinuna nito ang umano ay mali at hindi makatotohanang lumabas na balita at tarpaulin na ang Bulacan ay kinilala bilang Top 1 Richest Province sa taong 2020. 

Aniya, ang Richest Province in the country ayon sa Commission on Audit ay ang Lalawigan ng Cebu at hindi Bulacan.


Bukod sa mga balitang nilabas ng media, sa mga bayan sa lalawigan ay naka-display ang tarpaulin ni Fernando na hawak ang plake ng pagkilala at nakasaad ang title ng nasabing award na nagsasabing “Top 1 Performing Province Bulacan Ranked No. 1.  TOP 10 Richest Province in the Philippines 2020 base on the 2020 Highest Nominal Locally Sourced Revenues given by Bureau of Local Government Finance of the Department of Finance”.

“Ako po ay magiging patuloy na boses upang ang mali ay iwasto at ang katotohanan ay maisiwalat. Sa atin pong pakiwari ay may pahiwatig na naganap ang nasabing kalalagayang ito (award) sa panahon ng kasalukuyang punong lalawigan. Dapat po talaga itong ipagmalaki, pero ang tanong, totoo ba ito? Taliwas po ito sa pahayag ng COA na ang Cebu ang richest province, wala po sa Top 10 ang lalawigan ng Bulacan,” pahayag ng bise gobernador sa kanyang privilege speech. 


Nakuha ng Bulacan ang nasabing award dahil sa P1.72 Billion halaga ng nakolektang local taxes ng lalawigan noong 2020 sa kabila ng matinding pagbagsak ng ekonomiya dahil sa COVID-19 pandemic.  


Ang buwis na nakolekta ay mula sa real property tax (RPT), local business tax (LBT) and at iba pang local taxes, regulatory fees, user charges at mga resibo mula sa operations of local economic enterprises.


Ayon kay Atty. Teresa Camacho, Bulacan Provincial Government Treasurer, totoong lahat ang award na ibinigay sa lalawigan na tinanggap ni Fernnado at wala umanong kamalian o kasinungalingan doon.


Ang Bulacan, aniya ay talagang Top 1 Richest Province base sa “nominal locally sourced revenues ng taong 2020” at sa mga balita at tarpaulin ay kasama itong nakasaad. 


“Totoo iyon, pinaka mayaman ang Cebu, pero sa asset iyon, ang Bulacan naman ay pinakamayaman sa nakolektang local taxes noong 2020,” pahayag nito sa NEWS CORE.


Kasama ng gobernador si Camacho na tumanggap ng award noong Disyembre 14 sa Clark, Pampanga at iba pang opisyales ng Bulacan. 


Dagdag ni Camacho, sa buong panahon ng pandemya ay nanatili silang nagtrabaho at bukas ang opisina nila kaya naman ang mga taong magbabayad ng buwis ay nakapagbayad. 


Sadyang ikinagalak ni Fernando ang nasabing kapuri-puring inugali ng mga Bulakenyo na sa kabila ng pandemya at bagsak na ekonomiya ay hindi nila kinalimutan ang kanilang obligasyon at tungkulin na magbayad ng buwis sa gobyerno kaya nag Top 1 Richest ang Bulacan sa nominal locally sourced revenues

Dagdag ni Camacho, kasama rin sa Top 10 ang Bulacan noong 2019 at iba pang nakaraang taon subalit nito lamang 2020 ito nag Top 1.
Sinabi rin ni Fernando sa mga media na siya at ang kanyang vice gubernatorial running mate ngayon, Bokal Alex Castro ng ika-4 na distrito ay pawang mga hamak na artista at lingkod bayan lamang, subalit hindi umano sila mga “sinungaling”. 


“Artista at lingkod-bayan kami ni Bokal Alex pero hindi kami sinungaling para mag-imbento ng award” pahayag niya. 


Sa opisyal na social media account ng gobernador ay sinabi nitong “kung ating uunawain at hindi pupulitikahin, ang taguring Top Ten Richest based on nominal locally-sourced revenue ay paglalarawan ito ng isang kategorya ng kahusayan at hindi pag-angkin ng karangalan ng iba. Tama na ang paggamit sa isyu dahil lamang ito ay naganap sa panahon ng inyong abang lingkod, Daniel R. Fernando. Batid ko naman po na maliban sa pamumulitika at nakaugaliang pagtawad sa kakayahan ng inyong lingkod ay wala na pong ibang dahilan kung bakit hindi matanggap ang nasabing pagkilala sa ating lalawigan. Wala po siyang dapat ipag-alala sapagkat ang karangalang ito ay hindi ko inaangkin. Ako po ay isang hamak na artista lamang sa kanyang paningin, subalit kailanman ay hindi po sinungaling. Hayaan nating matanghal ang lalawigan ng Bulacan saan mang mabuting larangan”. 


Sa kabilang banda naman ay nagpahayg si Alvarado na kakatwa daw ang mga pangyayari sapagkat nakikita umano na may naninira ng tarpaulin ng kanyang kalaban na mga nakasuot ng damit na may pangalan at mukha niya.


“Meron ba namang sisirain mo ang tarpaulin ay magsusuot ka pa ng damit para ma-identify ka. That is dirty politics,” pahayag nito. 
Ang mga tarpaulin umano niya at ng kanyang anak na si re-electionist First District Cong. Jonathan Sy-Alvarado ay pinagsisisira ng di nila kilalang mga tao.


Ayon naman kay Fernando, ang mga tents at tarpaulin din nila ni Castro ay siniira ng hindi rin nila nakikilalang mga tao. 
Ang dalawang kandidato ay siyam na taong close ally sa pulitika at magkaibigan. Kinainggitan ng marami ang kanilang tambalan hanggang sa patuloy silang magkasama sa pulitika at nagpalit lamang sila ng puwesto nitong 2019 at kapwa pa rin nilang donomina ang lokal na pilultika sa Bulacan. 


Hanggang sa ngayon ay hindi pa malinaw sa maraming Bulakenyo ang dahilan ng kanilang paghihiwalay sa pulitika at kung bakit silang dating may kinainggitang samahan, ngayon ay magkalaban.


Hindi na muling nag-bise gobernador si Alvarado kay Fernando sa ikalawang termino bagkus ay nilabanan ito.