LUNGSOD NG MALOLOS–Bumaba ang COVID-19 cases sa Bulacan ng kulang 900 nitong nagdaang isang linggo at ibinahagi ni Gob. Daniel Fernando ang masayang balitang ito noong Biyernes, ng bisitahin niya ang mga residente sa coastal Barangay ng Pamarawan sa lungsod na ito.
“Good news sapagkat bumaba po ang ating mga kaso,” pahayag niya sa mahigit 1,200 katao na tumanggap ng handog ng kapitolyo na ayuda packs.
Base sa pinaka latest na tala mula sa Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), bumaba ang kaso ng 893 dahil 3,617 ang active cases sa lalawigan nitong Setyembre 10 kumpara sa 4,510 noong Setyembre 3.
Bumagal din ng bahagya ang bilang ng mga pumapanaw sa loob ng isang linggo. Mula Setyembre 3-10, 57 ang bilang ng mga kaso ng namatay dahil sa COVID-19 mula sa 1,150-1,207 sa nasabing week period kumpara sa mas mataas na bilang noong nakakaraang linggo.
Ganunpaman ay nakapagtala ng 14 na kaso sa Pamarawan. Ang nga ito ay naka-quarantine.
Masaya ring ibinalita ng gobernador na sa mga islang barangay Binakod at Sta. Cruz sa Paombong at Tibaguin sa Hagonoy ay nakapagtala lamang ng 0-2-3 cases ng COVID-19.
Patuloy na hinikayat ng gobernador ang mga residente na mahigpit na laging sundin ang minimum health protocols at higit sa lahat ay pag-ibayuhin pa lalo ang pagdarasal na iligtas ng Diyos ang bawat isa at wakasan na ang COVID-19.
Nagtungo din sa Barangay Bagna at Sto. Rosario ang grupo ng gobernador upang ibahagi ang balita ng pagbaba ng kaso ng COVID-19, hilingin ang patuloy na pagsunod sa health protocols at mamigay din ng ayuda packs.