HUDYAT NG PASKONG BULAKENYO. Pinangunahan nina Gob. Daniel Fernando, Bise Gob. Alex Castro, First District Congressman Danilo Domingo, Board Member Teta Mendoza, Provincial Administrator Antonette Constantino at PHACTO Head Eliseo Dela Cruz ang pagpapailaw ng higanteng Christmas Tree sa harapan ng Capitolyo Huwebes ng gabi na siyang simbolo ng Paskong Bulakenyo. Larawan ni Anton Catindig

LUNGSOD NG MALOLOS—Maagang nadama ang Kapaskuhan sa lalawigan o panimula ng taunang Paskong Bulakenyo matapos na pailawan na ni Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Alex Castro kasama si First District Congressman Danilo Domingo at mga pinuno ng pamahalaang panlalawigan ang higanteng Christmas Tree sa harap ng Capitolyo nitong Huwebes ng gabi.

Bago pa pailawan ang maningning na Christmas Tree ay nagsalimbayan ang mga liwanag at musikang pamasko sa Capitol Park kung saan nakatayo ang iilawang Puno ng Pasko. Hindi lamang mga tauhan ng Capitolyo ang sabik na nag-intay sa pagpapailaw kundi ang maraming residente maging ang mga motoristang dumadaan.

Matapos ang mga kantahan at mensahe ng gobernador at bise gobernador kabilang ang kay Domingo ay pinagningning na nga ito at sinundan ng isang fireworks display. Pinailawan na rin ang mga dekorasyong parol na kumukuti-kutitap sa buong palibot ng Capitolyo.

Ganunpaman, ayon kay Fernando, ang mga ito ay palamuti lamang at ang diwa ng Pasko ay hindi nasusukat sa ganda ng dekorasyon, bagkus ito ay nasusukat sa pamamagitan ng mabubuti nating gawa sa ating kapwa dahil sa mga pagsubok na dinanas nila sa buhay lalo na ang may mga matitinding pinagdadaanan.

Noong bata pa siya, ayon sa punong lalawigan, tuwang-tuwa siya tuwing Pasko dahil sa may magara silang damit, mga regalong tinatanggap. Pero kapag daw pala may edad na, ang mahalaga na ay iyong may ibibigay sa kapwa, hindi na mahalaga iyong may tatanggapin o iyong gusto mo para sa sarili mo kundi iyong may maibigay ka sa iyong kapwa, lalong lalo na ang mga kapos-palad.  

“Ang mga araw-araw na nakapila sa ating tanggapan ay Pasko sa kanila araw-araw, mahal na mahal ko po ang mga iyan,” wika ng gobernador.  

“Kung ikaw naman ay maraming biyayang dumadating sa iyo ay magbahagi ka. Masarap mabuhay dahil tayo ay malaya kaya huwag maging madamot, ang ginagawa mo sa kapwa mo ay inaalay mo sa Diyos. Matuto kang magbigay sa kapwa,” dagdag ng gobernador.

Ang pagpapailaw ng Christmas Tree ng Capitolyo ng gabing iyon umano ay sadyang makasaysayan para sa kanya, ayon naman kay Bise Gob. Alex Castro sapagkat ito ang kauna-unahang Pasko na siya ay bise gobernador na.  

“Noong isang taon po, nang pinailawan natin ang ating Christmas Tree dito sa harap ng Capitolyo ay  nandito rin kami ni Governor, kaming dalawa, pero ngayon po ang kauna-unahang Christmas at pagbubukas ng Christmas Tree na tayo ay pangalawang punong lalawigan na,” pahayag  nito.

Ayon sa opisyal, ngayong panahon ng Kapaskuhan o ang pagsilang ng Panginoong Hesus, mahalaga na maalala ng lahat ang isang payak na pamilya na nagdulot ng pinakamabuting balita, ang balita ng kaligtasan.

“Hangad ko po at nawa ang pagdiriwang natin ng pagsilang ng ating Panginoong Hesus ay magdulot sa ating mga puso ng kapayapaan, pagkakaisa at pag-ibig sa lahat,” dagdag niya.

Ayon naman kay Domingo na siyang panauhin sa gabing iyon, ang mensahe ng Pasko ay pag-ibig, pagkakaisa, kapayaan at kaunlaran.

Pinagpala umano ang mga Bulakenyo dahil patuloy silang nabibigkis ng isang mahusay na lider na Kristiyano sa katauhan ni Gob. Fernando at patuloy din umano itong nagsisilbing inspirasyon at modelo ng kabataang Bulakenyo.  

“Salamat sa kanyang tapat na paglilingkod sa ating lahat. Nakatanim sa puso at isipan nating lahat na sa pamamagitan ng pamumuno ng ating gobernador tayo ay nagkakaisa para sa kapayapaan, pag-ibig at kaunlaran ng ating dakilang lalawigan. Makakaasa po kayo sa inyong abang-lingkod na makikiisa sa ating gobernador at bise gobernador at sa lahat ng kababayan na nagtiwala, sa pamumuno ng tunay na lider ng Bulacan para sa kaunlaran at kaayusan para sa ating dakilang lalawigan ng Bulacan,” dagdag nito.

Hinimok naman ni Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial History, Culture, Arts and Tourism Officer (PAHCTO) ang mga Bulakenyo na sa kabila ng mga naging pagsubok na hinarap ng marami sa atin dulot ng pandemya at ng mga nagdaang kalamidad, na ipadiwang ang Pasko ng may ngiti sa ating mga labi dahil ang pagsilang ni Kristo ay simbolo ng pag-asa at katatagan.

Kabilang din sa entablado na pagpapailaw ng higanteng Christmas Tree ng Capitolyo sina Provincial Administrator Antonette Constantino at Bokal Teta Mendoza.