JOURNONG MAKAKALIKASAN, SAMA-SAMANG MAGLUNTIAN SA BAYAN. Mula sa kaliwa, Thony Arcenal at Eloisa Silverio ng Bulacan; Mel Ciriaco ng Nueva Ecija; Erick Silverio, Bulacan; Aida Tabamo ng Tarlac; Deng Pangilinan at Lito Ochotorena ng Pampanga, Gen Gregorio Del Pilar Integrated School Principal Enrico Manaid, Carmela Reyes-Estrope, Bulacan; Rogie Pangilinan at Arnel San Pedro ng Pampanga; Neth Carlos ng Nueva Ecija; Alma Ochotorena ng Pampanga at Bonifacio Dacayanan ng Tarlac.. Larawan ni Jaypee Manalang, Pampanga Chapter

BULAKAN, Bulacan–Nagtanim ng mga puno ng Cupang ang mga opisyales at miyembro ng Central Luzon Media Association (CLMA) bilang pag-alaala at pagdakila kay Gat Marcelo H. Del Pilar sa selebrasyon ng ika-172 guning taong pagsilang nito noong Martes sa kanyang dambana sa Sitio Cupang, Barangay San Nicolas. 

Ayon kay CLMA regional president Carmela Reyes-Estrope na Correspondent ng Philippine Daily Inquirer at Editor-In-Chief ng NEWS CORE Bulacan, ang pagtatanim ng mga Cupang trees ay pagkilala at pagdakila sa kanilang patron na si Del Pilar bilang Ama ng Pamamahayag sa bansa na ipinanganak sa Sitio Cupang. 

Tinawag na Sitio Cupang ang lugar na kanyang sinilangan noong Agosto 30, 1850 sapagkat maraming tanim na puno ng Cupang doon noong panahon niya. Tinatawag na Parkia Javanica ang scientific name nito.

Si CLMA President Carmela Reyes-Estrope sa kanyang pagtatanim ng Cupang tree sa GGPIS. Kuha ni Jaypee Manalang

Katunayan, ang Cupang ay isa rin sa mga pseudonyms na kanyang ginamit sa kanyang mga panulat. Subalit sa paglipas ng panahon, mahigit ng 100 taon sa ngayon, wala na ni isang puno nito ang nakikita pa sa lugar. 

Ayon kay Estrope, bilang ambag sa kadakilaan ng bayani, nais niyang muling masaksihan ng mga kabataang Bulakenyo ang tinitingnan niyang makasaysayang puno kung kaya’t ginawa nila ang proyekto.

Itinanim ang mga puno sa bakuran ng Gen. Gregorio Del Pilar Integrated School (GGPIS) sa Poblacion/Sta. Ana, ang central school ng bayang ito. 

Ang mga puno ng Cupang ay nakikita na lamang ngayon sa Bulacan sa kabundukan ng Sierra Madre o sa watershed area. Mabilis na palakihin ang punong ito at nabubuhay sa init at maging sa lilim din. Ang mala-palikpik na ugat nito sa magkabilang-gilid ay sinasabing proteksiyon laban sa baha at soil erosion. 

Ayon kay Liberato Sembrano, pinuno ng Indigenous People’s Mandatory Representative ng mga Dumagat sa Sierra Madre mountain range ng lalawigan na nangangalaga din sa mga puno sa watershed, halos Cupang tree ang bumubuo sa nasabing kagubatan.

Ang CLMA officers and members sa simbolikong pag-aalay ng bulaklak sa dakilang bayani. Contributed photo

Malugod na tinanggap ni Enrico Manaid, principal ng nasabing eskuwelahan ang mga puno sa kanilang bakuran dahil bukod umano sa lilim at laban sa baha na maidudulot ng puno ay isang paraan din ito ng pagpapaalala sa bayaning si Del Pilar. 

“Nakakatuwa po at makikita muli dito sa ating kapaligiran sa Bayan ng Bulakan ang nasabing mga puno at muli itong makakagisnan ng ating mga mag-aaral,” pahayag ng punong-guro.

Tanyag din ang puno at lugar na Cupang sa Bayan ng Obando, sa Muntinlupa City, sa Nueva Ecija at marami pang lugar.

Si Del Pilar na isang mahusay na propagandista at manunulat ang kasama ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal sa pagmumulat sa ating mga ninuno ng mga pagmamalabis ng mga dayuhang mananakop at nakapagpasiklab ng mga damdamin upang mithiin at kamtin ng mga Pilipino ang kalayaan sa mga kamay ng mga manlulupig sa pamamagitan ng kanyang mga akda sa La Solidaridad bilang patnugot nito.

Kabilang ang CLMA sa mga panauhing nagbigay pugay kay Marcelo H. Del Pilar sa pangunguna ng pangulo nito, Carmela Reyes-Estrope (dulong kanan). Contributed photo

Nakilala siyang higit sa kanyang mga akda na tumuligsa sa mga mapang-abusong frayle, na tinawag na “La Frailocracia”. Ilan sa kanyang pamosong akda sa ilalim nito ay ang ” Aba Ginoong Barya,” “Pasiong Dapat Ipag-Alab Nang Puso Nang Tauong Babasa Sa Kalupitan ng Frayle,” “Ang Kadakilaan ng Diyos,” “Dasalan at Tocsohan,” at marami pang iba. 

Nagpasa rin ng isang kapasiyahan ang CLMA na ginawa nilang “Adopted School” ang GGPIS kung saan maghahandog sila ng tulong sa ilang piling kapos-palad na mag-aaral sa elementarya at sekondarya.