Sa kalipunan ng 24 na Bulacan mayors, kasama sina Gob. Daniel Fernando at Vice Gov-elect Alex Castro, nasa upper most left corner ang champion ng masang taga San Ildefonso, Mayor-elect Fernando "Gazo" Galvez Jr. Contributed photo

LUNGSOD NG MALOLOS-Umpisa na ng trabaho, tapos na ang pulitika.

Isang congratulatory dinner ang pinangunahan ni Gob. Daniel Fernando at Vice Gov-elect Alex Castro kasama ang mga alkalde ng 21 bayan at tatlong lungsod ng lalawigan nitong Miyerkules, dalawang linggo bago ang Hulyo 1 na opisyal na panunungkulan ng mga bagong halal na pinuno sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ang congratulatory dinner ay pag sasama-sama nina Fernando at Castro at ng lahat ng 24 Bulacan mayors upang nagkakaisang ipatupad at isulong ang mga programa na naka ayon sa kaunlarang tatahakin ng lalawigan na dala ng mga higanteng proyektong P754-billion worth New Manila International Airport, North South Commuter Railways, MRT-7 depot sa Lungsod ng San Jose del Monte at iba pang malalaki ring mga magneto ng kaunlaran.

Sina Fernando at Castro at mga mayors na kapwa rin nilang nanalo ay nasa National Unity Party (NUP) at may mga mayors din na nagwagi na mula sa ibang partido.

Ayon sa gobernador, isang araw lang ang pulitika at ang lahat ay dapat magsama-sama para sa isang layunin na higit na paunlarin at dalhin ang mahal na lalawigang Bulacan sa mataas na antas nito ng kaunlaran.

“Kahit noong una akong maupong gobernador, iyan na ang ating naging panuntunan, hindi kailangang pahabain ang natapos nang eleksyon, isang araw lang yan, dapat lahat ay sama-sama upang higit nating paunlarin ang ating lalawigan,” pahayag ng gobernador.

Ayon kay Fernando, isang pinakamahalagang unang dapat na isulong ng mga Local Government Units (LGU’s) ng Bulacan ay ang pagbuo ng Comprehensive Land Use Plan (CLUP) mula sa level ng provincial government hanggang sa mga munsipyo.

Ang CLUP ay kailangan umanong tumugon sa track ng lalawigan ngayon na may mga higanteng imprastrakturang itinatayo dala ng mga naunang nabanggit na mga proyektong pangkaunlaran ng ekonomiya at turismo dahil sa mga investments at maidudulot nitong libu-libong trabahong maihahatid sa mga Bulakenyo.

Sa ngayon, ayon sa gobernador, may mga bayan na sali-saliwa, walang kaayusan at mayroon namang bayan na mahina ang kanilang zoning na hindi na tutugma sa malawakang pqgbabago at kaunlarang tinatahak ng lalawigan.

Ang New Manila International Airport ay kasalukuyan ng ginagawa at 4-6 na taon ay inaasahan na itong mabuksan habang ang North South Commuter Railway System ay nasa kalahati na halos ang natatapos habang nasimulan na ring gawin ang MRT-7 depot sa Lungsod ng San Jose del Monte.

“Mayroon tayong mga simbahan na malapit pa rin o katabi ng mga industrial sites na maingay at mayroon din tayong mga resorts na malapit sa mga babuyan,” pahayag ng gobernador.

“Napakahalagang maiayos ang ganyang problema upang hindi maapektuhan o mabalam ang mga nakalatag na at darating pang kaunlaran sa lalawigan,” paliwanag ng gobernador.

Ayon din kay Provincial Administrator Tonette Constantino, minabuti ng gobernador at ng bise gobernador ang isang congratulatory dinner bilang hudyat ng simula ng isang pagsasama-sama at pagkakaisa ng lahat ng opisyales ng lalawigan sa pangunguna ng mga mayors upang higit pang mapaunlad ang mga bayan at ang buong lalawigan ng Bulacan.

“Upang iabot ang kamay ng pagkakaisa kapartido man o hindi sapagkat ang hamon ng paglilingkod-bayan ay nangangailangan ng ating pagkakasundo at sama samang pagtatrabaho,” pahayag ng administrador ng pamahalaang panlalawigan sa panayam ng NEWS CORE.

Hindi man nakadalo sina City of Malolos Mayor-elect Christian Natividad ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at Doña Remedios Trinidad (DRT) Mayor-elect Rolando T. Flores na kasamang NUP ng gobernador dahil sa naunang mga commitments, kasama din ang mga ito sa pakikiisa sa proyekto, ayon sa source ng NEWS CORE sa Capitolyo.

Uupo muli sa pangalawang termino si Fernando matapos magtala ng 987,160-586,650 victory votes (60.99%-36.24%) laban kay Bise Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado.

Nadagdag pang artistang lider ng Bulacan ang uupong bagong Bise Gob. Castro, si Fernando ay nauna ng minamaliit bilang isang artista. Ganunpaman ay kinilala siyang “The People’s Governor” dahil sa puso at aksiyon niyang makamasa.

Anak ng isang mother leader ng Bayan ng Marilao at isa ring artista, pinangalawahan ni Castro si Fernando sa pagpapatunay na may puwang mamuno at maglingkod-bayan ang mahirap, walang mga imbak ng salapi at isang ordinaryong Filipino o Bulakenyo subalit maari ring masungkit ang inaasam na mataas na posisyon sa pamahalaan.

Muling mga nahalal sina Mayor Enrico Roque ng Pandi, Ferdie Estrella ng Baliwag, Lungsod ng San Jose del Monte Mayor Arthur Robes, Eladio Gonzales ng Balagtas, Mary Anne Marcos ng Paombong, Roderick Tiongson ng San Miguel, Maritz Ochoa-Montejo ng Pulilan, Marilao Mayor Ricardo Silvestre, Francis “Skul” Juan ng Bustos at Vergel Meneses ng Bulakan habang nagbabalik sina Mayor Bartolome Ramos ng Sta. Maria, Eduardo “JJV” Villanueva ng Bocaue, Jocell Vistan ng Plaridel, Atty. Christian D. Natividad ng Lungsod ng Malolos, Dona Remedios Trinidad (DRT) Mayor Ronaldo T. Flores at Congressman Henry Villarica ng Lungsod ng Meycauayan at ang mga bago o first time sa puwesto, Mayor-elects Lem Faustino ng Calumpit, Cholo Violago ng San Rafael, Merlyn Germar ng Norzagaray, Atty. Agatha “Agay” Cruz ng Guiguinto, Baby Manlapaz ng Hagonoy, Ding Valeda ng Obando at Jowar Baustista ng Angat.