Nagbago dahil kay Cristo Jesus, Pastor Ronnie Santos sa kanyang ‘Support Blessings’ na mas epektibo kumpara sa community pantry
BAYAN NG SAN MIGUEL— Halos 400 hanggang 500 na tao mula sa Barangay Sibul at mga karatig barangay nito ang pumipila araw-araw sa bahay ni Pastor Ronnie Santos upang mabigyan ng ‘Support Blessings’ na tig-dalawang supot ng mga delata, bigas, kape at iba pa na may kasamang mga gulay at pera.
Nasa ika-19 na araw na nitong Lunes, Mayo 10 ang maayos at sistematikong pamamahagi ng naturang mga biyaya na mas epektibo kumpara sa community pantry sapagkat hindi na kailangang mamili pa ng mga kailangang pagkain ang mga pumipila dahil naka ready na ang mga plastic ng ipapamahagi.
Ang community pantry ay madalas na naaabuso sapagkat ang ilang mga pumipila ay higit pa sa kailangan ang kinukuha. Dahil dito ay nagtatagal ang mga tao sa pila. Ang ‘Support Blessings’ naman ni Pastor Santos ay hindi na kailangan pang mamili ng mga kailangan ang mga pumipila dahil iaabot na ito sa kanila.
Sa ganitong paraan ay matitiyak ang maayos at mabilis na pagpila upang maiwasan ang kaguluhan at pagkakahawa ng virus na COVID-19. May dagdag ding ukay-ukay style and naturang programa na kung saan ay maaring kumuha ng tig-dalawang damit ang mga pumipila.
Ang mga senior citizens, may kapansanan at buntis na pumipila ay may karagdagang namang P50 to P100 pesos o higit pa na tinatanggap.
Ayon kay Santos, mga alas-kwatro mahigit ng hapon niya binubuksan ang kanyang ‘Support Blessings’ upang makaiwas sa init ng araw ang mga pumipila at maiwasan ang aksidente tulad ng senior citizen na namatay sa pagpila dahil daw sa init sa isinagawang community pantry ng artistang si Angel Locsin.
Si Pastor Ronnie Santos ng Hesus, Grasiosong Diyos na Nagpapalaya at Nagpapagaling ay nag umpisa lamang sa Php 5,000 halaga ng kanyang ‘Support Blessings’ upang ibahagi sa kanyang mga ka-barangay subalit habang lumalaon ay marami ang kusang nagbibigay ng tulong at donasyon sa kanya, kaya nagpatuloy ito at maaring pang tumagal ng higit sa isang buwan.
Si Santos ay dating isang close-in security ng ilang pulitiko at nadawit sa mga enkuwentro na may patayan. Kinakatakutan at kilabot sa kanilang lugar, nakulong din siya at ayon sa kanya ay doon siya nagsimulang mamulat at magbago ng landas.
“Hindi ako naghahanap, hindi ako namamalimos, hindi ako nanghihingi ng tulong kung kani-kanino, kusang dumarating ang mga ito. Dati akong masamang tao at dahil kay Cristo Jesus ako ay nagbago, pero sa akin binigay ng Diyos ito eh. It’s an opportunity in my part na magawa namin ang Support Blessings na ito na higit higit pa sa ordinaryong community pantry, at ito’y di kayang gawin ng tao kung hindi kagustuhan ng Diyos” ani Santos.