LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE–Nagsagawa ng city wide clean-up activities ang 59 barangays ng lungsod na ito sa kanilang mga estero, kanal, mga bahay-bahay, bakuran at kalsada bilang isang bahagi ng search and destroy approach upang pigilan ang paglaganap ng dengue cases matapos makapagtala ang buong lalawigan nitong nakaraang ilang linggo ng 2,345 na mga kaso sa 60 barangays sa 12 bayan at sa dalawang siyudad kabilang ang San Jose del Monte.
Sa pinakahuling tala ng Bulacan Provincial Health Office (PHO)-Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) noong weekend, may tig-7 barangay ang Lungsod ng San Jose del Monte at San Ildefonso na nagtala ng mga kaso ng dengue habang 23 barangays naman sa San Miguel ang nagtala ng mga kaso.
Ang Lungsod ng Meycauayan at Sta. Maria ay may 4 na barangay, tig-3 namang barangay sa Angat at Marilao, tig-2 na barangay sa Plaridel, Pulilan at San Rafael habang tig-isa naman na barangay sa mga bayan ng Balagtas, Bustos, Guiguinto and Pandi.
Simula Enero ay nakapagtala na ang lalawigan ng 3 dengue related deaths samantalang ang pinakahuling 4 na linggo ay nagtala ng 619% increase ng dengue cases kumpara sa parehong panahon at buwan noong 2021. Noong isang taon at ngayong 2022 ay parehong pinakamataas o 40% ng mga kaso ay nasa 11-20 years old. Nauna ng nagbaba si Gob. Daniel Fernando ng mahigpit na utos at paalala sa mga mayors na palakasin ang search and destroy efforts sa kani-kanilang mga barangays upang mapigilan ang pagtaas at paglaganap ng mga kaso ng dengue sa lalawigan.
Gayundin, ang mga bayan na nakapagtala ng mga kaso ay inatasan ng magsagawa ng fogging and spraying activities.
Sa datos na nakuha ng NEWS CORE mula sa PHO-PESU, mayroong 2,345 dengue cases ang Bulacan sa ngayon kung saan ito ay 34% na mas mataas kumpara sa 1,754 lamang na kaso ng ganitong petsa noong isang taon.
Ang pagkakaroon at paglaganap ng mga kaso ng dengue ay nahahati sa 3, mula sa hindi malalang clustering, paakyat sa pangalawang level na hot spots, patungo sa mas mataas na level na outbreak.
Ayon kay Patricia Alvaro, Bulacan PHO Health Education and Information Officer II, ang clustering ay kung may 4 dengue cases sa mga barangays makatapos ang 4 na linggo o higit pa. Samantalang hot spots naman ang lugar kung patuloy ang pagtaas ng mga kaso sa mga magkakasunod na linggo at higit pa. Outbreak naman kung mataas ang death cases sa isang barangay.
Sa ngayon, ang 60 barangays sa 12 bayan at dalawang siyudad na nagtala ng mga dengue cases ay nasa clustering at hotspot levels, ayon sa kanya.
Paalala ni Alvaro, makatutulong ng malaki ang pagsusuot ng light colors, pag-gamit ng off lotion, pagsuot ng long sleeves at paglalagay ng takip sa mga drums o timba na punuan ng tubig upang makaiwas sa mga dengue carrying mosquitos sa loob at labas ng bahay.
Gayundin ani Alvaro ang pinagsama-samang effort ng mga leaders at ng mga residente para sa search and destroy, fogging at spraying ay kailangan ding mahigpit na isagawa.