Ni Carmela Reyes-Estrope at Rolly Alvarez
LUNGSOD NG MALOLOS–Walang patumpik-tumpik at maagang tinungo ni Augustina Dominique ‘Ditse Tina” C. Pancho ang Capitol Gym noong Biyernes, unang araw ng Oct. 1-8 filing ng candidacy upang pormal na maghain ng kanyang certificate of candidacy bilang kinatawan ng ikalawang distrito.
Mahigit ng isang taong maugong ang pangalan ng nakakatandang kapatid na babae ni outgoing Second District Rep. Gavini “Apol” Pancho na kakandidato sa nasabing posisyon.
Si Ditse Tina ay kasalukuyang nagsisilbi bilang chief of staff ni Rep. Pancho sa patapos na nitong tatlong termino at magsisiyam na taon sa Kongreso.
Itutuloy ni Ditse Tina ang Legacy ng Paglilingkod ng kanyang kapatid at kanilang ama, dating Rep. Pedro Pancho na siyang nagpasimula ng “Tatak Pancho” na uri ng paglilingkod sa buong ikalawang distrito.
Nakilala ang Pancho bilang matatapat at dedikado sa paglilingkod at laging tumutulong ng direkta sa mga nasasakupan nila ng mabilis at agaran. May programa ng pagtulong ang tanggapan ni Rep. Pancho para sa lahat ng sektor na nangangailangan partikular ang tungkol sa mga medical, hospitalization, education, scholarship grants and support, transportation, infrastructure.
Inaasahang magtutuloy ng lubos kung hindi man mas mahigitan pa ni ditse ang pagmamahal at pagkalinga ng kanyang ama at kapatid sa kanilang nasasakupan alinsunod sa Tatak Pancho o legasiya ng paglilingkod ng kanilang pamilya.
Inaasahan ding mas lalong malaki ang pondo, mga proyekto at biyayang iuuwi ni Ditse Tina sa ikawalang distrito kung siya ang mananalo dahil lumiit na lamang sa tatlong bayan–Baliwag, Plaridel at Bustos ang nasabing distrito o mga bayang mahahatiran ng pondo ng gobyerno na laan sa kongreso dahil nahiwalay at babawas na ang dati nitong mga kasamang bayan–Pandi, Balagtas, Bocaue at Guiguinto.
Ang redistricting ng Bulacan sa anim na distrito ay isinasaad sa batas na RA 11546 na pinirmahan ni Pangulong Duterte nitong May 2021.