BOCAUE, Bulacan—Nakatakda ng simulan ang mga paghuhukay ng mga creeks o sapa at iba pang baradong waterways sa bayang ito na isa sa nakitang pangunahing dahilan ng matinding pagbaha bunsod ng malakas na ulan hatid ng nagdaang mga bagyo.
Ito ang ipinahayag ni Vice Mayor Sherwin Tugna matapos niyang pangunahan ang magkatuwang nila ni Mayor Eduardo “Jonjon” Villanueva na binuo na mga plano at programa para isagawa ang nasabing proyekto.
Sa ikalawang beses ay tinalakay nila ito sa sangguniang bayan nito lamang at tinukoy ang mga dapat hukayin at palaliming mga bahagi ng katubigan sa baying ito. Katuwang na nag-plano at nag-identify ng mga baradong waterways ang iba’t ibang puno ng departamento ng pamahalaang bayan lalo na ang municipal disaster risk reduction management office (MDRRMO), municipal environment and natural resources office (MENRO), ang municipal engineering office at ang municipal planning and development office (MPDO).
Gayundin, kaagapay ng Bayan ng Bocaue ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para maisakatuparan ang nasabing proyekto.
Ayon sa bise alkalde, katulad ng iminungkahi ni Pangulong Marcos, ang siyang pinaka immediate na paraan upang masolusyonan ang mga pagbaha, dulot ng iba’t ibang mga dahilan tuwing malakas ang ulan at may bagyo at sasabayan pa ng high tide ay ang paghuhukay upang mapalalim ang mga waterways at ng makaimbak ito ng tubig at mapigilang dumaloy sa mga kalsada, kabahayan at makaapekto sa mga mamamayan at malugmok din sa baha ang mga bukid dahilan upang masira ang mga pananim na palay at mga gulay, gayundin ang mga palaisdaan. Dagdag pa rin sa mga napinsala ang imprasktraktura at pribadong kabahayan ng mga residente.
Isa ang bayan ng Bocaue sa may naitalang pinakamataas na tubig baha nitong nagdaang malawakang pag-baha hatid ng malalakas na ulan ng bagyong Egay at hanging habagat kabilang na rin ang bagyong Falcon. Ayon sa report na inilabas ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa kasagsagan ng mga malalakas na ulan, ay may ilang bahagi sa bayang ito na umabot sa 8 ft. ang taas ng tubig baha.
Ayon kay Tugna ay ilalabas na nila ang action plan at timetable para sa agarang paghuhukay ng mga katubigan at ang mga target dates upang matapos agad ang mga ito ang nang masolusyunan na ang mga pagbaha sa kanilang bayan lalo na ang mabababang lugar.
Pinasalamatan ng pangalawang ama ng Bayan ng Bocaue si Mayor Villanueva bilang katuwang sa nasabing proyekto kabilang ang mga konsehales ng Team Solid ng Sangguniang Bayan, DPWH Bulacan District Engineering Office 1, Engineers Lito San Diego, Irene Ontinco, Joshua Roxas, Mr. Benjamin Isidro-Municipal Assessor, Arch. Miguel Castillo- OIC-Municipal Engineer, Engr. Dinia Gomez- MENRO, Mr. Alexander Yap- OIC- Municipal Administrator, Engr. Jose Rexie Cruz- MPDO at Mr. Rodante Galvez- MDRRMO.