LABUYO
Johnny Mercado
Bayaan munang unahin ko ang hirap ko bago ko pakialaman ang hirap ng iba.
Isa akong lumaki ng sagad sa buto ang hirap na aking dinanas sapul pagkabata. Isinusumpa ko ang aking kabataan hanggang sa ako at mag-binata.
Simulan natin ang aking istorya. Noong grade one, alam ba ninyo na hindi ako makakahipo ng SINGKO SENTIMOS bilang baon sa maghapon?
At alam po ba ninyo na kung hindi pa ako mangunguha ng bayabas ay hindi ako magkakaroon ng singko sentimos. Nanghuhuli rin ako isda sa bukid na akin namang ibinebenta sa aming kapit-bahay. Ultimo pananakate o ang pagkuha ng pagkain kalabaw o kabayo ay akin ding naranasan ng dahil sa kahirapan.
Pinasok ko rin ho ang maglala o manuksok ng uway kahit alam kong tarbahong babae. Ngunit ang mabigat ay ang MAG-AGUADOR sa aking kapit-bahay sa halagang SINGKO SENTIMOS rin ang dalawang balde. Lingguhan ang singil ng aking inigib na umaabot lamang ng trenta’y singko sentimos.
Lumipas ang ilang taon, grade six na ako noon ng matuto akong gumitara at palibhasay may boses naman tayo ay madalas akong makumbida. Sa mga singing contests, malimit din tayong makumbida hanggang sa mga stage shows ako’y sumasabak na at siyempre ang bayaran ay iba na. Siyempre anak mahirap hindi ko matiis ang aking ina na tumatanggap pa rin ng labada. Hindi ko ikinahihiya na magsunong ng labada, basta doon kumikita kaming mag-ina.
Matulin ang paglipas ng panahon hanggang sa ako ay magbinata. Nag-tricycle din ako. Tuloy pa rin sa pag-gitara at dito ko na nga nakilala ang aking maybahay.
Palibhasay mayroon silang talyer doon, na ako humawak ng langis na siya kong ipinang-buhay ng matagal sa aking pamilya.
Kayo, ano ba ang masasabi ninyo tungkol sa inyong nakaraan.
May katawa-tawang pangyayari sa inyong buhay na pwede mong ipagmalaki habang ikaw ay tumatanda. Masarap alalahanin ang kahapong nagdaan na puno na kasiyahan. Ang bawat hirap na aking dinanas ng aking kabataan ay isang mayamang karanasan at mga ala-ala na sa ngayon kapag aking binabalikan ay pinagmumulan din ng mga ngiti sa aking puso.