LUNGSOD NG MALOLOS–Walang katotohanan na may sindikato sa Bulacan na nangunguha ng mga kababaihan na nagdulot ng malawakang takot at pangamba sa mga residente nito.
Sa isang press conference ni Gob. Daniel Fernando at Acting Bulacan Police Director Charlie Cabradilla ay kanilang ipinaliwanag ang tunay na sitwasyon at pangyayari sa likod ng mga napabalitang nawawalang mga kababaihan.
Ang isa sa mga napaulat na nawawala na 17 anyos mula sa Barangay Tuktukan sa Bayan ng Guiguinto ay nakauwi na sa kanilang bahay. Ito ay nag swimming lang noong Hunyo 30 kasama ang mga kaibigan at hindi nagpaalam sa kanyang mga magulang hanggang sa na-lowbat ang kanyang mobile phone.
Ang isang dalagita naman na 18 anyos mula sa Barangay Ligas, Lungsod ng Malolos ay natagpuan sa The Forth, Global City sa Taguig, Metro Manila noong Abril 28 pa at dumaranas umano ng mental depression kaya’t umalis sa kanilang bahay.
Ang 14 anyos naman na dalagita na may problema sa kanilang pamilya ay naglayas sa kanilang bahay at nakauwi na rin.
Iprinisinta ni Cabradilla kay Fernando ang nasabing 14 anyos na dalagitang ito upang maging ebidensya na hindi siya nawawala at walang sindikato na dumudukot ng mga kababaihan sa Bulacan.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa kaso ng 24-year old engineer na si Princess Dianne Dayor na nawala noong Hulyo 2 at natagpuang patay sa Dulatre St. Barangay Tabang, Guiguinto. Mayroon na diumanong Persons of Interest ang pulisya ngunit hindi pa nila ito ilalabas, ayon kay Cabradilla.
Idiniin naman ni Fernando na hindi dapat mag-share o mag-post agad-agad ang mga netizens hangga’t hindi kumpirmado ang mga detalye upang hind maging mitsa para magkaroon ng malawakang pangamba at takot sa lalawigan ng Bulacan. Nanawagan din naman ang gobernador na iwasan at wag nang gumawa pa ng fake news na nawawalang tao sa Bulacan dahil may batas at ordinansa na magpaparusa sa mga mapapatunayang lumalabag sa batas na ito.