Pinasasalamatan at pinupuri ng Lungsod Taguig ang Panginoon dahil binuksan Niya ang isipan ng mga namumuno at ibinalik sa normal na operasyon ang fire stations sa EMBO barangays.
Matapos ang pagkandado na ginawa ng Makati sa fire stations sa EMBO noong Disyembre 2023, binuksan na uli ang mga ito noong Enero 5, 2024. Ipagpapatuloy ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pangangasiwa at pagpapatakbo sa mga estasyong ito.
Ikinadena ng Makati ang naturang fire stations sa katwirang pagmamay-ari nila ito at hindi maaaring ipagamit sa mga residente ng EMBO na hindi na residente ng Makati. Maigting na tinutulan ito ng Taguig at ni Senador Alan Peter Cayetano. Sa isang emosyonal na pahayag, tahasang tinuligsa ni Senador Cayetano ang pagpapabaya ng Kagawaran ng Interyor at Lokál na Pamamahala (DILG) dahil hinayaan nitong isará ng Makati ang fire stations at inilagay sa panganib ang mga residente sakaling magkaroon ng sunog.
Ang pagmamay-ari ng anomang bagay, partikular ang pagmamamay-ari ng pamahalaan, ay may panlipunang layunin. Ang pagmamay-ari ay hindi isang absolutong karapapatan, at sa kaso ng mga pampublikong ari-arian ay hindi ito dapat pinaglalaruan para sa politikal na interes. Ang lupang kinatitirikan ng fire stations sa EMBO ay iginawad ng Estado para sa kapakanang pangkaligtasan ng mga residente. Taliwas sa layuning ito ang kapritsong desisyon na ipasara ang fire stations dito, dahil lamang sa di-umano ay pondo ng Makati ang ginamit sa pagpapatayo nito.
Pondo ng taumbayan, hindi ng pamunuan ng Makati, ang ginamit sa pagpapatayo ng mga pasilidad sa EMBO. Kasama sa pondong iyan ang mga buwis na ibinayad nila mula sa kanilang kita, sa kanilang ginastos at binili, sa kanilang negosyo, at sa kanilang ari-arian sa EMBO. May karapatan ang mga residente ng EMBO sa lahat ng lupa at pasilidad sa kanilang barangay na inaangkin ng Makati ang pagmamay-ari. Walang karapatan ang Makati na ipagkait sa mga residente ng EMBO ang mga pampublikong pasilidad at serbisyo na itinatag para sa kanilang karapatan.
Katulad sa health centers at mga pasilidad ng barangay na patuloy na ipinagkakait sa mga residente ng EMBO ang paggamit, hindi isinusuko o tinatalikdan ng Taguig ang lahat ng karapatan nito sa pagmamay-ari ng mga pasilidad na ito at ng lupang kanilang kinatitirikan.
Umiiral ang pamahalaan para sa kagalingan ng mamamayan, hindi para sa kanilang kapahamakan.
Inaasahan ng mga Taguigeño mula sa kanilang mga lider, sa pangunguna ni Mayor Lani Cayetano, kasama sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano, ang pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko. Iyan din ang pamantayang inaasahan ng Taguig sa lahat ng ahensya ng gobyerno. Nananalangin ang Taguig na nawa’y tumimo ito lagi sa puso at isipan ng ating mga pinunong bayan.