Ni Joselle Dela Cruz

BULAKAN, Bulacan— “Ngayon, higit kailanman, napakagandang balikan, at sariwain ang naging bahagi ng buhay at karanasan ng ipinagmamalaki nating bayani… Para sa kaniyang mahalagang gampanin, sa katubusan at paglaya, paglaya ng ating bansa,” pahayag ni Gob. Daniel Fernando sa pagpupugay sa bayaning si Marcelo H. Del Pilar sa selebrasyon ng ika-174 kaarawan nito noong Biyernes, Agosto 30 sa dambana nito sa Cupang, Barangay San Nicolas sa bayang ito.
Hinimok naman ni Masons of the Philippines Grand Master Ariel Cayanan ang mga Filipino na pahalagahan ang karapatan sa edukasyon sa bansa na inilaban ni Del Pilar.
“Ang manatili sa kahirapan ay ating magiging pangunahing kasalanan… Hanggang ngayon po ay ‘yong pagkakapantay-pantay sa edukasyon na kanilang (mga bayani) itinaguyod ay hindi pa rin po natin nakakamit,” ani Cayanan.
Kasama sa mga nanguna sa paggunitang ito ang National Press Club of the Philippines, Bulacan Press Club, at Central Luzon Media Association. “Marcel H. Del Pilar: Mga Likha at Aral – Pundasyon ng Kahapon, Inspirasyon ng Darating na Henerasyon” ang tema ng selebrasyong ito na kasabay ika-2 taong pagdiriwang ng National Press Freedom Day sa bansa.