SIYUDAD NG MALOLOS, Bulacan, Philippines—Hinamon ni Gob. Daniel Fernando ang mahigit 10,000 Bulacan youth scholars na daanin sa paborito nilang Tik-Tok dance sa social media ang maari nilang malaking pagtulong sa pamahalaan upang lalong mapaalalahanan ang mga kababayan sa pagsunod sa minimum health protocols upang lalong mapaigting ang bumubuting laban ng lalawigan sa COVID-19.
Sa harapan ng nasa 500 estudyante ng Bulacan Polytechnic College (BPC) Malolos Campus sa ginanap na last leg ng pamamahagi ng scholarship certificate para sa mga kabataang estudyanteng Bulakenyo na ginawa sa Capitol Gym nito lamang ay sinabi ng gobernador na magkakaroon ng mahalagang kabuluhan ang mga Tik-Tok dance nito kung ang palagiang pagsusuot ng face mask, face shield, ang paghuhugas ng kamay at paggamit ng alcohol at pag-observe sa social distancing ang ipapakita ng mga ito na steps o choreography kaysa ipagmalaki lamang at i-display ang mahabang buhok ng mga kadalagan, ang kanilang magandang mukha, ang maalindog na katawan.
Iminonstra pa at isinayaw ng gobernaodr ang mainam daw na choreography ng kanilang health protocol sa Tik-Tok dance.
“Hindi basta ipapakita lang natin ang magaganda at makintab at mahahaba nating buhok na ating hinahawi habang tayo ay nagtitiktok, ang magaganda nating mukha, ang mga sexy nating katawan, tulungan ninyo kami sa ating pamahalaan, kami nila Bise Gob. Willy Sy-Alvarado at mga bokal para mapaalalahanan ang ating mga kababayan sa minimum health protocols, iyan ang gawin ninyong Tik-Tok dance,” pahayag ng gobernador.
Patuloy umanong gumaganda ang laban ng Bulacan konta COVID-19 sapagkat ang naunang 96% na pagbaba ng mga kaso ay lalo pang bumuti ng magtala ang lalawigan ng mahigit ng 105% decrease sa mga bilang ng kaso.
Ganunpaman, ayon sa gobernador ay hindi siya kuntento sa ganitong tala sapagkat ang nais niya ay lalo pang pabulusukin pababa ang naitatalang kaso sa buong lalawigan.
Aniya, hindi niya hihilingin sa national Inter Agency Task Force (IATF) na ilagay ang Bulacan sa mas lalong mababang category na Modified General Community Quarantine (MGCQ) simula July 16 bagkus ay hihilingin niyang patuloy na manatili ito sa kasalukuyan nitong status na General Community Quarantine (GCQ) with some restrictions upang patuloy na maging vigilant ang lahat sa paglaban sa COVID-19 at humantong sa lundo na mababang mababa na ang mga naitatalang kaso.
Ang nakakaraang buwang halos 4,000 na active cases ay bumaba na lamang sa 800-900 kaso. Sa ngayon ay nasa 41,453 ang kabuuang talang kaso sa lalawigan simula Marso noong isang taon habang 39,647 ang mga naka-recover at 893 naman ang namatay.
Nauna ng nagbigay ng nasabing scholarship certificates ang provincial government sa mga campuses ng BPC sa Bayan ng Obando, San Rafael, City of San Jose del Monte, San Miguel, Pandi at Angat.
May scholars din ang Capitolyo na mga estudyante ng Bulacan State University, iba pang public colleges sa lalawigan maging pribadong eskuwelahan.