Gobernador ng Bulacan, hinikayat ang mga Bulakenyo na igalang at ikarangal ang watawat ng Pilipinas

Published

LUNGSOD NG MALOLOS – Hinikayat ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo at lahat ng Pilipino na ipagmalaki, pahalagahan, at ipakita ang paggalang sa pambansang watawat sa pagdiriwang ng Mga Araw ng Pambansang Watawat kahapon, Mayo 28, 2024 ng umaga kasabay ng Lingguhang Pagtataas ng Watawa sa harap ng Kapitolyo dito.

May temang, “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan.”, binigyang diin ni Fernando na ang pambansang watawat ay hindi lamang isang piraso ng tela – ito ay isang sagradong simbolo ng mga mithiin at tradisyon ng mga Pilipino na kumakatawan sa soberanya bilang isang bansa.

“Ang watawat ng Pilipinas ay sagisag ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan. Sa kulay nitong pula, puti, at bughaw, kasama ang araw na may walong sinag at tatlong bituin, ipinapaalala nito sa atin ang tapang, kapayapaan, at pagkakaisa ng ating lahi. Ang Bulacan, bilang isa sa walong probinsyang nag-alsa laban sa pamumuno ng mga Kastila at lumaban para sa kalayaan, ay patuloy na nagpapakita ng diwa ng bayanihan at pagmamahal sa ating Inang Bayan,” ani Fernando.

Dagdag pa niya, maglalagay ng watawat sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno, opisina, negosyo, paaralan at tahanan mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12, 2024 bilang pagpapakita ng paggalang sa pambansang watawat.

Binanggit din ng gobernador na dapat maturuan ang mga kabataan sa mga tuntunin at paglabag na nakasaad sa “Flag and Heraldic Code of the Philippines” o Republic Act No. 8491.

“We must always stand guard to defend the dignity, respect, and reverence to the Philippine flag, the national anthem, and other national symbols, which are the expressions of our nationhood and the principles of national solidarity. Bawal ang anumang paglapastangan sa mga simbulong ito na siyang sagisag ng ating lalawigan at bansa,” aniya.

Bago ang programa, pinangunahan nina Fernando, Bise Gob. Alexis C. Castro, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga pinuno ng tanggapan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Panlalawigang Tagapangasiwa Antonette V. Constantino ang seremonya ng pagtataas ng watawat, pag-awit ng pambansang awit, at Panunumpa ng Katapatan sa Watawat.

Samantala, binati din niya ang bagong kinoronahang Miss Universe Philippines 2024 na si Chelsea Anne Manalo na nakatakdang kumatawan sa bansa sa darating na Miss Universe pageant sa Mexico.

Share post:

Subscribe

spot_imgspot_imgspot_imgspot_img

Popular

More like this
Related

Primeskills Powers Unforgettable VR Concert Experience at BSTARVERSE in Jakarta

Primeskills, Indonesia's immersive technology pioneer, partners with AMG to...

A Celebration of Community and Creativity at Canon PhotoMarathon 2024

The event attracted over 500 participants from all walks...

Abaddon sets out to ensnare players in its web – release date and price for Kong: Survivor Instinct revealed!

Polish indie studio, 7LEVELS, and Singapore based publisher, 4Divinity,...