Guro sa Panahon ng Pandemya: Bilib ako Sa Iyo!

Published

Isinulat ni

Gng. Roechelle Faith Marie B. Sangalang

Teacher I

Marcelo H. Del Pilar National High School

Bagong Bayan, City of Malolos, Bulacan

Naitala ang unang kaso ng Covid-19 sa Pilipinas noong Enero 30, 2020. Ang pagtaas ng datos ng kasong Covid-19 sa bansa ang siyang nagpatibay sa desisyon ng ating Pangulong Rodrigo R. Duterte na isailalim ang rehiyon ng Luzon sa “Enhanced Community Quarantine” noong Marso 16, 2020. Higit na naapektuhan dito ay ang operasyon ng mga paaralan. Maagang isinara ang school year bilang pagtalima sa tagubilin ng Presidente na “NO FACE to FACE CLASSES”.

      Alinsunod dito, ang Kagawaran ng Edukasyon o Department of Education (DepEd) ay inihanda ang mga guro sa pagsasanay para sa modular at online  classes bago ito nagbukas noong Oktubre 5, 2020. Sunod-sunod na pagsasanay ang aming pinagdaanang mga guro upang maging handa sa hamon ng distance learning na tinatawag. Nagsikap kami na mga guro sa abot ng aming makakaya na maging handa sa pagbubukas ng panibagong taon ng edukasyon. Ginabayan kami ng aming punong guro, Dr. Ma. Victoria C. Vivo at sa pakikipagtulungan ng Department of Education City Schools Division of Malolos.

      Lingid sa kaalaman ng nakakarami ang mga guro ay hindi basta lamang tumanggap ng sahod noong panahon ng lockdown. Kami ay puspusang nag-aral ng mga online apps para maihatid ang aming leksiyon sa aming mga mag-aaral. Namalas ko ang pakikibaka ng aking mga kasamahang guro lalo ang mga may edad na hirap sa teknolohiya. Ngunit dahil sa kagustuhan na maihatid sa pamamaraan ng virtual ang aming leksiyon ay hindi sila nagpadaig sa kamangmangan sa pag-gamit ng gadgets. Buong puso nilang inaral ang tulad ng Zoom, Google Meet at iba pang virtual meeting platforms para maidaos ang online classes. Ang mga dalubhasang guro naman ay lalo pang nahasa sa larangan ng video editing at pag-gawa ng mga PowerPoint na leksiyon.

      Bumilib din ako sa mga kapwa ko guro na nagtulong-tulong gumawa ng instructional videos. Kahit walang kumpiyansa sa sariling humarap sa kamera ay nagawa nilang maging artista sa sariling videos nila. Isang paraan itong DepEd para maabot ang mga mag-aaral sa panahon ng pandemiya. At isa ako sa makapagmamalaki na nakagawa ng mga instructional videos sa larangan ng Technology and Livelihood Education subject para sa aking mag-aaral sa Grade 8.

      Ngunit hindi lamang online modality ang aming pinaghandaan. Nariyan siyempre ang madugong paglikha ng “modules”.  Mabusising isinulat at sinuguradong kalidad sa kabuuan nito. Dinanas ko din ang magpuyat sa paggawa para umabot sa deadline. Hindi rin matatawaran ang dedikasyon naming mga guro sa pag-print nito sa aming kani-kaniyang tahanan. Kung minsan ay paluwal din sa mga papel at tinta. At hindi namin inalintana ang banta ng pagkahawa sa Covid-19 virus sa tuwing kami ay pupunta sa paaralan para mag print, mag sort, magpamigay at hanggang sa pangongolekta nito mula sa mga magulang.

Buong tapang kami na tumalima sa aming tungkulin bilang guro. Andun ang pag-aalala naming tuwing kami ay lalabas at pupunta sa paaralan bitbit ang kahon-kahon na modules. Dahil inisip namin na hindi dapat maantala ang pagkatuto ng aming mga mag aaral.  Tulad ni Gat. Jose Rizal, kaming mga guro ay may matibay na paniniwala na ang  kabataan ang pag-asa ng bayang Pilipinas.

Bagamat hindi kami handa sa ganitong sitwasyon pero malaki ang aming natutunan sa karanasang ito. Kaming mga guro ay matatagurian din na“front liners” sa gitna ng pandemiya dahil hindi kami natinag na maihatid ang de- kalidad na edukasyon sa aming mag aaral. Face-to-face man o online at kahit modular modality pa, ibinigay ng bawat guro ang kanilang makakaya ng may buong pusong pagtalima sa kaniyang sinumpaang bokasyon.

Sa gitna ng krisis na kinaharap naming mga guro, nakita ko ang malaking ambag namin sa panahon ng pandemya. Ano mang balakid ay aming haharapin sa ngalan ng kalidad na paghahatid ng edukasyon. At dahil dito ay ipinagsisigawan kong ako ay isang guro. Saludo ako sa aking mga kapwa guro na hindi umatras sa hamon ng pandemyang ito.

Kung ikaw ay isang guro binabati kita. Bilib ako sa iyo!

Share post:

Subscribe

spot_imgspot_imgspot_imgspot_img

Popular

More like this
Related

IMPULSES: Fishery fragility unfolds

By Herman M. Lagon     Poor fishing threatens Iloilo's economy and...

SOLUTIONS JOURNALISM PROGRAM ON SMALL-SCALE GOLD MINING LAUNCHED

Gibby Gorres MANILA, PHILIPPINES - Applications for a solutions journalism...

PGB reasserts ownership of 12-hectare property in Malolos

CITY OF MALOLOS – The Provincial Government of Bulacan (PGB)...

IMPULSES: Unmasking flaws in testing

By Herman M. Lagon THE NATIONAL Achievement Test (NAT) and...