LABUYO
JOHNNY MERCADO
Halos lahat ng nangbabalak at tumakbong kandidato sa ngayon ay iisa ang linguwaheng lumalabas sa kanilang mga bibig. Subukin mong pakinggan ang kanilang mga sinasabi.
Karamihan sa kanila ay hindi nagsawa lalo na silang mga nakaupo sa pwesto ay tuloy pa rin ang pambobola sa kanyang mga kababayan. Tuloy pa rin ang paglulubid ng kasinungalingan.
Iisa ang kanilang sinasabi sa kanilang kababayan na pawang mali-mali at tigib ng kasinungalingan at panloloko sa naghihingalong halos nating inang bayan.
Mayroong nagsasabi na kanya kunu umanong babaguhin ang takbo ng pamumuhay ng mamamayan. Kesyo kanya umanong gagawing maluwag ang pamumuhay ng bawat isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng magandang hanapbuhay, subalit ano ang nangyari, kadalasan ay wala, NGANGA pa rin sa kasalukuyan.
Lahat sila ay ginawang hanapbuhay ang pulitika. Pinapasok ang pulitika upang pagka-kwartahan ng marami sa ating kababayan. Hindi lang iisa o higit pa ang lumalahok sa pulitika bagkus ay pami-pamilya. Talagang napakadaling yumaman sa pulitika, lalo’t ikaw ay nanalo at maupo na.
Ganyan ang takbo ng pulitika sa atin bayan. Ginagago lamang tayo ng karamihan sa kanilang maitim ang budhi at walang sawa sa kislap na salapi. Marami sa pulitiko ngayon ay talagang hindi na iniisip ngayon ang kanyang kababayan kung ang mga ito ay kumakain pa sa oras at mayroon pang laman ang mga sikmura.
Marahil marami sa atin ngayon ay nangingimi o nagtatalo ang pag-iisip kung bawat isa atin ay BOBOTO pa o kung hindi na. Iniisip natin marahil na habang panahon na lamang tayong lolokohin. Sa panahong ito mahirap ang lokohin ng harap-harapan. Ang mga kandidato ay Namumunini samantala ang bayan ay nagdurusa sa kagagawan ng Kandidatong Mukhang Pera.