LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE—Halos 200 mga babies sa lungsod na ito ang libreng bininyagan sa ilalim ng Binyagang Bayan program ng Bulacan Provincial Government.
Tumayong pangunahing mga ninong sina Gob. Daniel Fernando at Bise Gob. Alexis Castro na nagbigay tig P2,000 pakimkim sa bawat isa sa 184 kabuuang mga batang bininyagan sa Gaya-gaya Quasi Parish Church noong Sabado.
Kasama ring ninong si Bokal Allen Baluyot ng Lungsod ng San Jose del Monte at ng ika-4 na distrito.
Ayon sa gobernador, ang Binyagang Bayan ay regular na programa ng Capitolyo upang ang mga pamilya o mag-asawa na may mga bagong supling subalit hindi pa napapabinyagan ang mga ito dahil sa kakapusan aa buhay ay mabigyan na rin ng pagpapala ng Kristiyanismo.
Dahil sa hindi pa napaglalaanan ng panahon at ng budget ng kani-kanilang mga magulang, umabot na sa 5-6 taon ang edad ng ilang mga bata nang sila ay mabinyagan.
Ang San Jose del Monte ang siyang lokalidad sa buong Bulacan na may pinakamalaking populasyon at marami pa rin ang mga mamamayan na mga dating informal settlers sa Metro Manila ang walang malakihang kinikita o hanapbuhay.
Ayon pa sa gobernador, mahalagang mabinyagan na ang mga sanggol at mga bata upang mapuspos ng biyaya at pagpapala ang bawat pamilya ng mga batang ito.
Pahayag naman ni Bise Gob Castro, may nga kasunod pang batches ang Binyagang Bayan sa lalawigan. Sa Pasko, aniya, ay magkikita-kita muli sila ng kanilang mga bagong inaanak.
Sa pakimkim pa lamang ay umabot na sa P368,000 ang kabuuang halagang naipamahagi ng provincial government.
Wala ring ginasta sa mga pag-aayos ng papeles sa simbahan ang mga magulang ng mga bininyagan.
Pinangasiwaan ni Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena Joson-Tiongson at ng kanyang mga tauhan ang mag papeles at mga pagarehistro sa simbahan ng mga pangalan ng bawat isa sa 184 na bininyagan.
May munti na ring pabaong salu-salo sina Ninong Gob at Bise Gob at Bokal Allen dahil kada pamilya ng batang bininyagan ay pinagkalooban din ng 3 packs ng Jollibee Chickenjoy.