LUNGSOD NG MALOLOS – Mahigit labing-isang munisipalidad at siyudad sa lalawigan ang lumahok at nagpamalas ng kultura, kasaysayan, produkto ng kani-kanilang mga lokalidad, kabilang ang 11 pribadong kumpanya at mga sponsors, bilang isa sa mga tampok sa pagbubukas kahapon, Setyembre 8 ng Sining Kalinangan ng Bulacan (Singkaban) Festival 2023 na ginanap sa harapan ng Kapitolyo ng lalawigan sa lungsod na ito.
Sa taong ito, ang Singkaban Festival ay may temang, “Likas na Yaman, Kasaysayan at Kultura, Pangalagaan Ating Pamana!”. Ito ay kilala rin bilang “Mother of all Festivals”,sa lalawigan.
Isa ang Parada ng Karosa sa mga pinakaaabangang programa tuwing Singkaban Festival kung saan ang mga naggagandahang palamuti at detalyadong disenyo ng ‘karosa’ na lulan ang mga kalahok na suot ang makukulay na kasuotan, tradisyunal na musika at nagpapakita ng mga simbolo ng kultura at relihiyon ng bawat munisipalidad ay mamamalas.
Lulan din ng mga karosa ng mga bayan at siyudad na lumahok ang mga mga tinanghal na Hari at Reyna ng kani-kanilang lugar para sa taong ito.
Dahil isang patimpalak ang parada ng mga karosa, huhusgahan ang 11 mga karosa ng munisipalidad at siyudad batay sa craftsmanship – 50%, tema – 25% at overall impact – 25% na may kabuuang 100%.
Mag-uuwi ng tropeo at perang insentibo ang mga magwawagi na nagkakahalaga ng P100,000 para sa unang gantimpala, P70,000 para sa ikalawang gantimpala, P50,000 para sa ikatlong gantimpala, at consolation prize na tig- P25,000 bawat isa.
Kasama ng mga Bulakenyo na nasaksihan ang engrandeng parada sina Gob. Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro.