Ni Joselle Dela Cruz

STA. MARIA, Bulacan – Higit sa 600 na mga residente sa bayang ito ang lumikas dahil sa banta ng pagbaha dulot ng malakas na ulan na dala ng Bagyong Enteng at Hanging Habagat noong Lunes, Setyembre 2, ayon sa datos ng Sta. Maria Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
Nasa 168 na pamilya o 652 na indibidwal ang pansamantalang lumipat sa evacuation centers ng bayang ito, partikular sa Municipal Evacuation Center sa San Gabriel, Bagbaguin Elementary School, at Santa Maria National Highschool.
Sa pinakahuling taya ng MDRRMO, nasa 17 na pamilya o 48 na indibidwal na lang ang magpapalipas ng gabi sa evacuation center sa San Gabriel. Nagmula sa Sandico (dating R. Mercado St.), Barangay Poblacion ang mga residente.
Walang nangyaring forced evacuation sa bayan dahil mismong mga residente na ang lumikas sa mga ligtas na lugar dahil sa banta ng pagbaha, ayon kay Sta. Maria MDRRMO Admin and Training Section Chief Niven Constantino.
“Wala po kaming pinuntahang mga barangay, sila po mismo ang nagpupunta diyan… Very cooperative na po [residente],” ani Constantino.
Umakyat sa 3 metro ang water level ng ilog sa ilalim ng tulay ng Sta. Maria kaninang 10:00 n.u., at bumaba sa .5 metro (normal level) ngayong 8:30 n.g..
Kinansela ni Mayor Omeng Ramos ang klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pampribadong paaralan bukas, Setyembre 3, dahil nananatiling nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang bayan.
Nanguna sa pag-asikaso ng mga evacuee ang Sta. Maria MDRRMO, Municipal Social Welfare and Development Office, Nutrition Office, Kabalikat Civicom (Non-governmental Organization), at 1603rd Ready Reserve Infantry Brigade ng Philippine Army. Joselle Czarina S. Dela Cruz