BOCAUE, Bulacan, Philippines–Muling tumanggap ng mga kulay itim na timba ng ayuda ang mga residente sa bayang ito kahapon bilang pag-alaala sa unang taong anibersaryo ng pagkamatay ni dating Mayor Joni Villanueva-Tugna na namigay ng grocery packs noong isang taong kasagsagan ng COVID-19 pandemic at nasa hard lock down ang maraming lugar sa bansa.
Ayon kay dating Citizens Battle Against Corruption (CIBAC) Representative at kabiyak ng namayapang alkalde, Atty. Sherwin Tugna, tatapusin nilang mabigyan ang mahigit 30,000 mga kabahayan sa Bocaue hanggang sa Biyernes bilang pag-gunita at pagsasabuhay ng nasabing proyektong inilunsad ng kanyang kabiyak nong isang taon.
Matatandaang nagluksa ang buong mamamayan ng Bocaue kasama na rin ang lahat pa ng bayan sa Bulacan ng biglang mamatay sa sakit na ‘sepsis secondary to pneumonia’ ang naturang alkalde Mayo 28 noong isang taon. Nakakaramdam na pala ito ng sakit subalit hindi nito ininda at patuloy sa personal na pagrerepack ng mga ayudang groceries, bangus, at iba pa laman ng timbang itim para sa kanyang mga kababayan.
Simula Day 1 ng COVID-19 pademic noong isang taon ay puspusan na itong kumilos upang huwag lumaganap ang sakit sa kanyang bayan at bigyan ng lingap ang kanyang mga mamamayan lalo na na ang mga nangangailangan.
Umabot sa 36,000 kabahayan ang nabigyan noong isang taon ng naturang timbang itim na ayuda packs, ayon kay Atty. Tugna.
Ang proyektong pagbuhay sa itim na timba na naglalaman ng grocery packs ayuda para sa mga Bocauenyo ay naisagawa sa pamamagitan ng Mayor Joni Villanueva-Tugna Foundation.
Naging simbolo ng alkalde at kanyang dedikasyon sa paglilingkod sa Bayan ng Bocaue ang timbang itim matapos na itaob ito ng mga mamamayan at tulusan ng kandila ang ilalim na bahagi nito at ilagay sa harapan ng kani-kanilang bahay noong huling lamay niya upang ipakita at ipabaon sa alkalde at sa kanyang buong amilya ang kanilang pagmamahal sa kanya.
Ayon kay Atty. Tugna, itinatag nila ng buong pamilya ng kanyang maybahay kasama ang ilang mga kaibigan ang nasabing Foundation upang patuloy na makapagsagawa ng mga outreach programs para sa mga taga Bocaue na isa sa pangunahing proyekto at adhikain ng kanyang maybahay noong nabubuhay pa ito.
Nakapagtala ng landslide victory si dating Mayor Joni nitong 2019 election na ikalawang termino niya matapos na nauna siyang nanalong mayor sa pamamagitan ng toss coin para ma-break ang tie votes sa katunggali nito noong 2016 elections.
Bilang pag-alala at pagbibigay-pugay ng mga kasamang alkalde sa League of Municipalities of the Philippines Bulacan Chapter sa pangunguna ng Pangulo nito na si Guiguinto Mayor Ambrosio C. Cruz Jr., ipinangalan din ang molecular laboratory sa bayang ito sa alkalde bilang “Mayor Joni Villanueva Molecular Laboratory”.
Ang pasilidad ay nagsilbing isa sa mga kauna-unahang COVID-19 testing center sa buong Central Luzon.