LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE—Naging instant mga ninong sina Bulacan Gov. Daniel Fernando and Vice Gov. Alexis Castro kasama rin si Fourth District Board Member Allen Baluyot ng mga bagong ikinasal sa lungsod na ito noong Sabado, Hunyo 22, sa ilalim ng inihandog ng Bulacan Provincial Government na Kasalang Bayan.
Ang mga magsing-irog ay pormal na pinag-isang dibdib sa loob ng Gaya-gaya Quasi Parish Church.
Ayon sa gobernador, regular na programa ng Captolyo ang Kasalang Bayan upang tulungan ang mga nagsasama na bilang mag-asawa at mayroon ng maraming anak subalit wala pang biyaya ng kasal o holy matrimony dahil na rin sa kakapusan sa buhay at pagiging mas abala sa hanapbuhay at nawawalan ng oras para idaos at mabiyayaan ng seremonya ng pag-iisang dibdib.
Higit pa umanong biyaya at pagpapala ang tatamuhin ng mag-asawa na pinagbuklod ng Diyos sa pamamagitan ng pormal na seremonya ng kasal, dagdag ng gobernador.
Tumanggap ng pakimkim ang mga pares ng ikinasal mula sa kanilang mga ninong Gob, Bise Gob at Bokal Baluyot.