LUNGSOD NG MALOLOS – Itinampok ang kahalagahan ng pagpapasuso ng ina at karapatan ng mga bata sa idinaos na Child Development Workers in Emergencies during COVID-19 cum Breastfeeding Awareness Month Celebration kamakailan lang sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.
Binigyang diin ng breastfeeding advocate na si Gng. Lyn Sunshine G. Castro, maybahay ni Bise Gob. Alexis C. Castro at siyang panauhing pandangal, na maraming benepisyong dulot ang pagpapasuso sa sanggol, hindi lamang para sa bata ngunit maging sa ina.
“Sa kabila po ng mga pagsubok na aking pinagdaanan sa aking pagiging ina, hindi ko po kailanman naisip na sagabal o problema ang pagpapasuso sa aking anak. Gusto ko po talagang magpa-breastfeed dahil bukod sa mas masustansiya ito, mas matipid din po ito,” pagbabahagi ni Castro sa may 949 child development workers.
Aniya, nagiging malusog din ang pisikal at mental na kalusugan ng ina kapag siya ay nagpapasuso at mas pinatitibay ang ugnayan ng ina at sanggol.
Tulad ni Castro, naniniwala din si Gob. Daniel R. Fernando sa kahalagahan ng breastfeeding.
“Naniniwala po ako na ang gatas ng ina ang “the best” na gatas para sa mga sanggol. Mas nagiging malusog po ang mga sanggol gayundin ang mga nanay. Nais ko rin pong bigyang pugay ang ating mga child development worker dahil sa kanilang patuloy na pagtataguyod sa mga programa para sa mga bata tulad na lamang nitong breastfeeding campaign at children’s rights. Mabuhay po kayo,” ani Fernando.
Samantala, idinaos din sa kaparehong araw ang awarding ceremony ng 2022 Mutya ng Buntis Season 6 at CDW Folk Dance Competition kung saan ang mga nagwagi ay tumanggap ng perang gantimpala, bulaklak, plake o tropeo.
Kabilang sa mga nagwagi sina Erika Intia Javier mula sa Marilao bilang 2022 Mutya ng Buntis at Best in Talent; First Runner up si Reenalyn Pricones mula sa Plaridel; Second Runner up si Ysa Ysabel Padilla Hipolito ng Bocaue at Best in Gown si Kriztel Cruz ng San Ildefonso. Tatanggap naman ng consolation prize ang 18 munisipalidad.
Para sa Virtual Folk Dance Competition, nasungkit ang unang pwesto ng CDW ng Guiguinto na nag- uwi ng P10,000; ikalawang pwesto naman ang CDW ng Pulilan na tumanggap ng P7,000 habang wagi sa ikatlong pwesto ang CDW ng Norzagaray na nagwagi ng 5,000. Sampung kalahok naman ang tumanggap ng tig-P3,000 bilang consolation prize.
Katuwang ng programang ito ang Provincial Council for the Protection of Children, PDRRMC, Provincial Nutrition Committee sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office. Gayundin, nagkaroon ng oryentasyon para sa Paghahanda sa Kalamidad na tinalakay ni Clarita Libiran, pinuno ng dibisyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) habang nagbigay ng mahahalagang impormasyon para sa COVID-19 at Dengue Updates si Patricia Alvaro ng Bulacan Public Health Office.