
ANG BATANG ISINILANG SA KUPANG, SAN NICOLAS… ISANG DAAN AT PITUMPU’T APAT NA TAON NA ANG NAKALILIPAS AY KINILALA BILANG ISA SA PANGUNAHING LIDER NG KILUSANG PROPAGANDA, PINAKAMAHUSAY NA MANUNULAT, MAKATA, REPORMISTA, PERYODISTA AT HIGIT SA LAHAT… UMANTIG SA DAMDAMIN NG SAMBAYANAN UPANG IPAGLABAN ANG KALAYAAN NG ATING MINAMAHAL NA BANSANG PILIPINAS.
GAYUNDIN, BILANG PAGPUPUGAY PO SA MAHALAGANG KONTRIBUSYON NI GAT. MARCELO H. DEL PILAR, IPINAGDIRIWANG DIN NATIN NGAYONG ARAW… AUGUST 30 ANG NATIONAL PRESS FREEDOM DAY SA BISA PO NG REPUBLIC ACT 11699.
TUNAY DING NAPAPANAHON AT NAPAKA ESPESYAL NG TEMA NG ATING SELEBRASYON NGAYONG TAON. “MARCELO H. DEL PILAR: MGA LIKHA AT ARAL – PUNDASYON NG KAHAPON, INSPIRASYON NG DARATING NA HENERASYON.
NGAYON HIGIT KAILANMAN NAPAKAGANDANG BALIKAN AT SARIWAIN ANG NAGING BUHAY AT KARANASAN NG IPINAGMAMALAKING BAYANI NG ATING LALAWIGAN NA MAY ESTADONG “NATIONAL HERO’’ PARA SA KANYANG MAHALAGANG GAMPANIN… SA KATUBUSAN AT PAGLAYA NG ATING BANSA.
SA KABILA NG NAKAGISNANG MARANGYA AT MASAGANANG BUHAY, MULAT SI GAT MARCELO H. DEL PILAR SA GINAGAWANG PAGMAMALABIS SA KAPANGYARIHAN AT HINDI PANTAY NA PAGTRATO NG MGA KASTILA SA KANIYANG KAPWA PILIPINO. GAMIT ANG KANIYANG PUSO, TALINO AT TALENTO AY GINAWA NIYANG SANDATA ANG KANIYANG PLUMA PARA ISIWALAT ANG PAGMAMALUPIT NG MGA DAYUHANG MANANAKOP.
HANGGANG SA KASALUKUYAN AY PINAGBIBIGKIS PA RIN TAYO NG KANIYANG MGA LIKHA AT ARAL. NARIRITO TAYONG LAHAT HINDI LAMANG UPANG GUNITAIN ANG KANIYANG KABAYANIHAN AT KAGITINGAN. NARITO TAYO HINDI LAMANG UPANG GUNITAIN ANG ARAL NG ATING KASAYSAYAN. TAYO AY UMIIRAL SA MAKABAGONG MUNDO KUNG SAAN MARAPAT LAMANG NA WALA NANG PUWANG ANG PAGMAMALABIS, KARAHASAN, PANDARAYA. SAYANG NAMAN ANG PINAGBUWISAN NG BUHAY NG ATING DAKILANG BULAKENYO KUNG HINDI NATIN MAGKAISANG ISUSULONG ANG ISANG MALAYA, MAKATARUNGAN AT MAPAGKALINGANG LIPUNAN.
GAANO MAN KALAKI ANG HINIHINGING SAKRIPISYO AT GAANO MAN KABIGAT ANG ATING MGA PAGSUBOK, PILIIN PO NAWA NATING LAGING TUMINDIG SA TAMA. PILIIN NATIN ANG ATAS NG DIYOS. PILIIN NATIN ANG TAPAT NA PAGLILINGKOD SA ATING KAPWA.
BILANG PROPAGANDISTA, INIUKOL NI PLARIDEL ANG BUHAY NIYA SA PAGSULAT NG MGA AKDANG GUMISING NG DAMDAMIN NG MGA PILIPINO NOONG PANAHON NG PANANAKOP NG MGA ESPANYOL.
HINDI SIYA TUMIGIL SA PAGBATIKOS SA MGA NAGMAMALABIS, NA SA KANYANG PANINIWALA AY SIYANG PANGUNAHING DAHILAN NG PAGHIHIRAP NG KANYANG MGA KABABAYAN.
MARAMI SIYANG TINIIS NA HIRAP, PATI NA ANG PANGUNGULILA NIYA SA NAIWANG PAMILYA, MAITAGUYOD LAMANG ANG KANYANG PANGARAP PARA SA ATING BANSA. HUWAG NATING LILIMUTIN KAILANMAN NA ANG DIWA AT UTAK NA NAGPAGALAW SA HIMAGSIKAN AT NAGPALAYA SA BANSA AY ISANG BULAKENYO.
SA GAYON, NAPAKALAKI NG ATING RESPONSIBILIDAD NA MAPANGALAGAAN ANG LAHAT NG MABUBUTING BAGAY NA IPINAGLABAN NI GAT MARCELO DEL PILAR.
SA IYO, GAT MARCELO DEL PILAR, MABUNYING BAYANI NG LAHING BULAKENYO, BAGAMAT NAMATAY KA SA LUNGKOT AT HIRAP….KAHIT HINDI MO NA NAMASDAN, NARITO KAMI ANG IYONG BAYANG TINUBOS, NGAYO’Y SABAY-SABAY NA BUMABATI NG MALIGAYANG KAARAWAN.
NAWA ANG IYONG LIWANAG, AT ANG PATNUBAY AT PAGPAPALA NG ATING DAKILANG LUMIKHA AY MANAIG SA ATING LALAWIGAN AT SA ATING BUONG BANSA. MABUHAY SI GAT MARCELO DEL PILAR. MABUHAY ANG DAKILANG LALAWIGAN NG BULACAN!