Malolos City Police Station. Larawan mula sa Pulisya ng Malolos Facebook page.

Ni Vhioly Rosatazo Arizala

SIYUDAD NG MALOLOS–Huli kagabi sa siyudad na ito habang walang saplot at aktong nakikipagtalik sa isang babae ang isang kapitan ng Bayan ng Paombong.

Kinilala ni Col. Jacqueline Puapo, chief of police ng siyudad na ito ang mga arestado na sina Emmanuel Galang, 38, kapitan ng Barangay Malumot sa Bayan ng Paombong at si Diana Enriquez, 26, tubong Bayan ng Marilao at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Bulihan, Siyudad ng Malolos.

Mala Adan at Eva ang dalawa ng maaktuhan ng mga police matapos na mapansing yumuyugyog ang isang Toyota Hi Ace Van na may plakang AAB-4971 habang nakaparada sa Malolos City Hall and Police station grounds bandang 10:30 ng gabi kahapon.

Lumapit ang mga operatiba ng police at sa dala nilang flash light ay nabungaran nila ang ginagawa ng dalawa.

Nakakulong ang dalawa ngayon sa City of Malolos police lock up facility at kakasuhan ng grave scandal.