KRISIS SA MENTAL HEALTH, ISANG NAMUMUONG EPIDEMYA – PMHA

Published

CAGAYAN DE ORO CITY – Naalarma ang Philippine Mental Health Association, Inc. (PMHA) nitong Lunes dahil sa “namumuong epidemya ng krisis sa mental health” sa bansa. Ayon sa grupong binubuo ng mga mental health professional at advocate, kinakailangan na ng malawakang atensyon, suporta, at aksyon para matugunan ito.

“Napansin namin ang labis na pagtaas sa mga kaso patungkol sa mental health noong kasagsagan at pagkatapos ng mga lockdown dulot ng COVID-19 pandemic,” sabi ni PMHA President Dr. Cornelio Banaag, Jr. na itinuturing ding ama ng child psychiatry sa Pilipinas, sa isang World Mental Health Day activity na ginanap sa Cagayan de Oro City. “Bata o matanda, may kaya o wala, apektado ng lusog-isip o mental health ang lahat ng Pilipino. Isa rin itong silent epidemic na dapat nating sugpuin,” dagdag niya.

Sa Pilipinas, maituturing nang karaniwang disability ang mental illness o sakit sa pag-iisip at mahigit 3.6 milyong Pilipino ang may hinaharap na mental, neurological, at substance abuse disorder, ayon sa Department of Health (DoH).

Ayon pa sa PMHA, limitado pa rin ang kakayahang makakuha ng mga mental health services dahil sa kakulangan sa resources at ‘stigma’ o diskriminasyong nararanasan ng mga apektadong tao. Kulang pa sa isang mental health worker ang mayroon sa bawat 100,000 Pilipino, ayon sa grupo.

Nanawagan din ng “whole-of-society approach” o buong lipunang pagtugon sa usapin ng mental health. “Isang karapatang pantao ang lusog-isip,” sabi ni Banaag. “Kailangan nating ipaabot sa mas maraming karaniwang Pilipino ang tamang pagsusuri, paggamot, at pag-aalaga,” aniya.

Para sa grupo, dapat ipatupad nang mas maigi ang Philippine Mental Health Law o Republic Act No. 11036, magpasa ng mga lokal na ordinansa sa mga bayan at lungsod, at dagdagan ang pondo para palawigin ang serbisyo at kamalayan tungkol sa mental health.

“Kinakailangang magkaisa ang lahat ng sektor ng lipunan para tugunan ang krisis sa mental health – pamahalaang nasyonal at lokal, pribadong sektor at lugar ng trabaho, mga healthcare provider, mga komunidad, paaralan, at indibidwal,” sabi ni Banaag.

“May ambag ang bawat isa para tiyaking nasa maayos na kalagayan ang lusog-isip ng mga Pilipino,” dagdag din niya.

Share post:

Subscribe

spot_imgspot_imgspot_imgspot_img

Popular

More like this
Related

Bulakenyo leaders nanumpa sa National Unity Party (NUP)

LUNGSOD NG MALOLOS—Halos 200 na mga bagong miyembro ng...

Types of Events Featuring Motivational Speaker in the Philippines

In the ever-changing world of personal development and...

Types of Motivational Speakers in the Philippines

In the vibrant and diverse landscape of the...