ANGAT, Bulacan–Hindi na naiwasang magpahayag ng pagkadismaya at pagkalungkot ang itinuturing na “The Living Legend Angat Bulacan Mayor Leonardo “Narding” De Leon” matapos na siya ay patuloy umanong tawagin at ikumpara ng kanyang kalaban sa pulitika sa nakakamatay na COVID-19 virus habang patukoy din umano ang pagpapakalat ng fake news laban sa kanya tungkol sa P50-Million at P7-Million halaga ng financial assistance para sa kanilang mga residente.
Muling nagpahayag ng paglilinaw at sagot ang alkalde tungkol sa nabanggit na mga issue sa pamamagitan ng isang video post sa kanyang social media account noong Huwebes kasabay ang hinaing dahil sa siya umano ay tinukoy ng kanyang kalaban sa pulitika na COVID-19 virus dahil ang kulay ng kanyang uniporme sa partido ay pula na kakulay ng virus.
“Huwag kayong patangay sa mga walang magawa kundi sirain ang aking buhay. Tanungin ninyo silang mga umuupak sa akin kung ano ang naihandog o nagawa nila para bayan. Pati mga bogus accounts naglagay na kayo, pati ba naman COVID-19 virus ay ako. Ako daw ang virus, kami daw, dahil pula ang aming uniporme (kulay ng partido),” madamdaming pahayag ng alkalde.
Masugid na sumunod sa SAP distribution guideline
Muling ipinaalala at nilinaw ng alkalde sa kanyang mga kababayan na hindi siya pumayag sa ibang nanunungkulan sa kanilang bayan na hatiin sa mas maliit na bahagi ang ipinamigay ng Department of Interior and Local Government (DILG) na P1,000-P4,000 na financial assistance mula sa Special Amelioration Program (SAP) nitong nagdaang Abril matapos isailalim muli sa lockdown ang Bulacan kasama ang Metro Manila, Laguna, Cavite at Rizal dahil sa muling pagpalo ng bilang ng mga COVID-19 cases.
Aniya, maganda ang layunin ng ibang nanunungkulan aa kanilang bayan na hatiin iyon upang mas marami ang makinabang subalit mahigpit umano ang utos at tagubilin ng national government na bawal hatiin iyon at hindi niya sinuway ang bilin at utos na iyon.
Ganunpaman, paliwanag ng alkalde na may dalawang barangay na hindi naging maayos ang mga listahan ng residenteng tatanggap at ito ay pinaayos pa muna umano ng tanggapan ng Department of Social Welfare and Development at ng Angat Municipal Social Welfare Office sa mga kapitan bago maibigay.
Dahil umano sa nagkulang ang nasabing pondo dahil base pa sa 2015 census ang inilaan ng national government na pondo, ay hiniling niya sa sangguniang bayan na maglaan ng P7-Milyon partikular para sa mga hindi nabigyan at ngayong ang pondong ito ay lumabas na umano ay sinisiraan na naman siya na siya ay nagnakaw ng pondong ito at siya ang nakinabang.
Muling paglilinaw ng punong-bayan na sa dalawang mga pondo–P50 Milyon at P7-Milyon ay wala siyang nahawakan dito ni singko dahil direkta ang pondo mula sa gobyerno papunta sa mga kapitan na siya ring gumawa at nagsumite ng listahan ng mga benepisyaryo.
Masama ang loob ni Mayor De Leon sapagkat tatlong bahagi ng kanyang buhay ang inialay niya sa Bayan ng Angat at alam iyon ng kanyang mga kababayan, katunayan ay halos sa munisipyo na siya tumira para mamuno at maglingkod subalit tinatapunan siya ng ganitong mga paninira ng kanyang kalaban sa pulitika.
“Halos dito na tayo tumira sa pamahalaang bayan, noon fourth class municipality ang Bayan ng Angat at ito ay naitaas natin sa first class. Nagpagawa tayo ng mga eskuwelahan, mga kalsada, at iba’t iba pang proyekto. Sa kabila nito ang sinasabi ng ating katunggali, wala daw tayong ginagawa. Nakikita ninyo ako araw araw tumutulong sa mahihirap. Pagbibintangan ako sa P50-Milyon ng aking katunggali subalit may guidelines ang DILG na hindi maaring hati-hatiin. Ngayon may bagong issue. Ito daw P7-Million na hiniling natin na aprubahan para makatanggap ang mga hindi nakatanggap ay ninakaw ko daw, pareho pong ang mga pera na iyan ay hindi pinadaan sa atin kundi sa DSWD at mga kapitan. Sa listahan po ng mga kapitan nagkaroon ng problema,” pahayag niya.
Living Legend and idol
Si Mayor De Leon ay kinikilala bilang isang Living Legend Mayor hindi lamang sa Bulacan kundi maging sa buong bansa dahil sa edad niyang 83 ay 57 years siya sa paglilingkod sa gobyerno partikular sa Bayan ng Angat.
Gayundin, hindi amang siya isang alamat ayon kay Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr. at pangulo ng Bulacan Mayor’s League kundi si Mayor Narding daw ay kanyang idol, pahayag nito sa NEWS CORE.
Ultimong ai Gob. Daniel Fernando ay hinahangaan, kinikilala at ipinagmamalaki si Mayor De Leon bilang Alamat na Mayor ng Bulacan.
“Tayo ay kilala at tinatawag hindi lang sa ating lalawigan kundi maging sa buong Pilipinas bilang isang Legend dahil sa tagal natin sa paglilingkod bilang alkalde na tayo na lang yata sa ngayon ang may record ng pinakamatagal na naglilingkod at dahil din sa mga parangal na natatanggap ng ating bayan sa iba’t ibang larangan,” dagdag ni Mayor De Leon.
Sa ano mang laban sa ano mang posisyon sa Bayan ng Angat ano mang panahon at taon ay hindi nakatikim ng talo ang alkalde.
Graduate ng four year course degree sa Manuel L. Quezon University (MLQU) at kalaunan ay nagtapos din ng law sa University of the East, nagsimulang maglingkod sa pamahalaan si Mayor De Leon bilang empleyado ng Capitolyo noong 1964. Kalagitnaan ng 1965, na-appoint siyang technical assistant employee sa pamahalaang bayan ng Angat.
Naging halal na konsehal siya ng bayan taong 1971-1980 at vice mayor mula 1981-1987 hanggang naging OIC mayor noong 1986 Edsa Revolution noong matapos i-appoint ni noo’y Pangulong Corazon Aquino.
Hanggang ngayon ay wala siyang talo bilang mayor at pagiging vice mayor.