Ang aktibo at masayang Bustos Chapter ng LGBT Bulacan Federation kasama ang kanilang mga pinuno kabilang sina LGBT Bulacan Federation President Renan Eusebio at Board of Director Calumpit Councilor and TV actor Ismael "Maeng" Lapena. Photo by Anton Luis Reyes Catindig

BUSTOS, Bulacan, Philippines–Sa tinatayang 40,000 miyembro, isang malakas at matatag na sector sa Bulacan ang Lesbian, Gay, Bisexual at Transgender (LGBT) community. 


Ganoon pa man, kabilang ang kanilang sektor na halos may pinaka malaking porsiyento sa bumubuo sa larangan ng turismo ang higit na iginupo ng COVID-19 kaya marami sa kanila ang nawalan ng hanapbuhay. 


Ang pagbibigay umano ng ayuda, kabilang na rin ang gamot at iba pang pagkalinga sa buong panahon ng pamdemya lalo na noong hard lock down noong isang taon ay naging isang malaking problema dahil wala silang maayos na record kung sino-sino ang kanilang miyembro base sa pangangailangan at katayuan sa buhay, ayon kay Renan Eusebio, Pangulo ng LGBT Bulacan Federation..

Renan Eusebio, Pangulo ng LGBT Bulacan Federation.


Kung kaya’t inilunsad nila nitong Huwebes ang database profiling nila sa 21 bayan at tatlong siyudad.


Sa isang payak na pagtitipon sa Casa Joaquin sa bayang ito ay isinagawa ang LGBT Hello Bulacan Kamustahan 2021 kung saan lahat ng 14 na barangay coordinator ay pinulong bilang siyang mga miyembro ng municipal LGBT. Bawat lider naman ng municipal and city ang siyang magiging miyembro ng federation.


Ayon kay Eusebio, napakahalaga ng database profiling sapagkat dito matutukoy ang bilang ng partikular pang sektor sa kanilang samahan tulad ng indigent, senior citizen, PWD, youth, etc para isulong ang kailangan at nararapat na social services and protection. 

Ayon naman kay Calumpit Councilor at TV actor Ismael Lapena, board of director ng LGBT Bulacan, malaki ang porsiyento o halos lahat sa kanila ay siyang mga nawalan ng trabaho ng pabagsakin ng pandemya ang turismo sa bansa sapagkat ang kanilang sektor ang nasa likod ng mga fashion designs, mga events bilang event organizers, make-up artists, salon and spa workers, managers, couturiers, catering business, resort managers and owners, flower arranger, flower shop owners, wedding gown dressers, etc. 

Calumpit Councilor at TV actor Ismael Lapena, board of director ng LGBT Bulacan


Iyon umanong may mga kaya na miyembro nila sa LGBT Pilipinas ay tumulong naman sa mga nawalan ng hanapbuhay subalit dahil nga sa mahina at di organisado ang kanilang record at profile ay nahirapan din ma-trace ang pinaka mga kawawa na matatanda, may sakit at indigent.

“Mayroon kaming tinulungan, inilapit sa amin, senior citizen na siya, nag-iisa sa bahay niya na tumutulo ang bubong, ang kanyang hinihigan ay kutson na bulok, wala siyang kasama sa bahay at talagang may sakit at napabayaan,” halimbawa ni Lapena.


Aniya, ngayon ay gagawa na sila ng listahan ng lahat ng senior citizen, indigent, may sakit, nag-iisa sa buhay, mga kabataan, PWD, etc sa bawat barangay at bayan para sa protection at pagbibigay ng kaukulang social services mula gobyerno o pribado man.


Ayon kay Gob. Daniel Fernando na katuwang na itatag ang LGBT Bulacan Federation noong 2019 ay magtatayo ang lalawigan ng isang home for the aged para sa mga LGBT. 


Ayon naman kay Lapena, ang LGBT home for the aged na ito ay magiging tahanan din ng mga miyembro nila na walang maayos na tinutuluyan upang magkasama-sama sila doon bilang isang parang tunay na pamilya.


Kamakalilan lang ayon kay Eusebio ay napagkalooban ng total na P1.5 Milyon ayuda ang 371 na nawalan ng trabaho sa kanilang hanay mula sa tourism sector dahil nga sa perwisyong dulot ng COVID-19 sa pamamagitan ng partnership ng Department of Labor and Employment at ng Department of Tourism.

 
Ito ay matapos ilapit ni Gob. Fernando at ni Provincial Government of Bulacan Tourism Officer Eliseo Dela Cruz sa nasabing mga tanggapan ang kawalan ng hanapbubay na inabot ng mga nasa sektor ng turismo sa lalawigan.


Pagkatapos sa Bustos at Baliwag noong Huwebes ay sa Calumpit at Pulilan naman isinagawa ang katulad na programa at kasunod na rin ang natitira pang ibang mga bayan at siyudad hanggang matapos sa buong lalawigan. 

Ginawa ring partner ng advocacy ng kapulisan ang LGBT community sa kanilang Comprehensive and Extensive Cascading of End Local Communist and Armed Conflict (ELCAC) Program dahil sa aktibo nilang pakikilahok sa maraming makabuluhang gawain sa lipunan tulad din ng iba pang sektor, ayon kay Maj. Jude Bryan Maguddayao, hepe ng pulis ng Bustos.